top of page

Ang makabuluhan at mabungang buhay at kamatayan ni Papa Kiko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 27, 2025



Fr. Robert Reyes

May koneksyon kaya ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga sikat at kilala sa ating bansa sa pagpanaw ng mahal na Pope Francis? 


Si Pilita Corrales pumanaw noong Abril 12, si Nora Aunor pumanaw noong Abril 16, si Kap Jun Ferrer ng Barangay Bahay-Toro pumanaw noong Abril 20, si Hajji Alejandro pumanaw noong Abril 22. At sa gitna ng pagpanaw ng mga kilalang Pinoy na ito, pumanaw si Papa Francisco noong Abril 21, Lunes ng Muling Pagkabuhay.


Makabuluhan at mabunga ang naging buhay ng mga yumaong sikat na Pinoy mula kay Pilita hanggang kay Nora at Hajji. Ganoon din para sa mahal na barangay captain at dating konsehal ng Lungsod Quezon na si Atty. Jun Ferrer. Kanya-kanyang istorya ang binanggit, puno ng paghanga at pasasalamat ng mga kaibigan, katrabaho at kapamilya ng mga yumaong kilalang mamamayan. Ngunit, ano ang mga istorya ng paghanga at pasasalamat na bumabalot sa naging buhay ni Papa Francisco? Mata, tinig, tainga, paa, puso, kaluluwa. Anim na bahagi ng katawan at pagkatao ni Pope Francis ang nais nating bigyang-diin.


Una -- mata. Nag-aral ng agham si Papa Francisco. Nag-aral siya ng Chemistry bago pumasok sa seminaryo. Mahalaga sa batang Georgio ang pagmamasid, ang paggamit ng kanyang mga mata. Kaya pala tahimik ang yumaong Papa. Unang ginagamit nito ang kanyang mga mata upang tingnan ang nangyayari sa kanyang paligid, noon sa Argentina, ngayon sa Roma at sa buong mundo.


Ikalawa -- tinig. Walang sawang pamamahayag ng mabuting balita ng Diyos, ng katotohanan, katarungan sampu ng kanyang galit sa katiwalian at kapabayaan ng marami sa kanilang pamumuhay at pamumuno. 


Bagong hirang na Papa pa lamang siya nang punahin na niya ang mga Kardinal at ibang matataas na opisyales ng “Curia” na kanyang sinabihang kumportable at masasarap ang buhay ngunit hindi lumalabas at tinitingnan ang tunay na kalagayan ng buhay ng mga maliliit at mahihirap sa mundo. Kaya’t ang kanyang simpleng panawagan o utos: Go out, go out… (lumabas, lumabas kayo).


Ikatlo -- tainga. Mula 2023 hanggang kasalukuyan kanyang pinalalim ang konsepto, mas mabuti, ang diwa ng “synodality” na madalas isalin, “walking together o magkasamang naglalakad.” 


Magkasama hindi lang sa paglalakad kundi magkasamang nagkukuwento, nakikinig, umuunawa sa bawat isa habang hinahanap ang kalooban ng Diyos.


Ikaapat --paa. Noong malakas-lakas pa siya, sinikap niyang dumalaw sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dinagsa siya ng mga tao tulad ng anim na milyong Pinoy na sinikap na makita at makinig sa kanya sa Luneta noong 2015. 


Hanggang sa huling araw ng kanyang buhay, mahina na’t nasa bingid na ng kamatayan, lumabas pa rin siya at binati ang mga peregrino sa San Pietro at binasbasan ang mga ito sa kahuli-hulihang pagkakataon bandang alas-12 ng tanghali noong Linggo ng Pagkabuhay ng Panginoon.


Ikalima -- puso. Ang kanyang motto, “Miserando atque Eligendo” ay ang buod ng kanyang buhay. Ito’y batay sa pagtawag ni Hesus kay San Mateo, na tinawag habang kinaaawaan! 


Ang awa at ang pagtawag ng Panginoon kay Mateo ay siya ring naramdaman ni Papa Francisco mula noong narinig niya ang tawag ng Diyos hanggang sa katapusan ng kanyang buhay. Kaya’t ganoon din siya sa lahat, niyayakap, kinakalinga bilang bahagi ng pagtawag sa kanya.


Ikaanim -- kaluluwa. Isang kaluluwang dalisay si Papa Francisco. Kapag natunghayan mo ang kanyang mukha, kapag ito’y nakangiti o tumatawa, walang pamimilit o pagkukunwari. Ganoon din kung siya’y malungkot o nagagalit, totoo at walang anumang bahid ng pagkukunwari o pagpapanggap.  


Mula mata hanggang bibig, tainga, paa, puso at kaluluwa, sinikap ni Papa Francisco na lubos na makilala at maunawaan ang mundo, kalikasan, mga iba’t ibang bansa at lipunan at ang kalagayan ng tao sa kanyang kabuuan at sa sari-saring hugis at kulay nito. Kaya maaari nating tawagin si Pope Francis na Papa ng Pakikipag-ugnayan o Papa ng Pagkakaisa (Solidarity). 


Kakaiba ang pagtanggap at pagyakap ni Papa Francisco sa lahat ng lahi at paniniwala. Wala siyang tinatangi (discrimination), lahat ay tinatanggap, kinakalinga at tinutulungan.


Malaking kawalan Santo Papa sa gitna, gilid at harapan ng mundong magulo, hati-hati, kanya-kanya at laging nasa bingid ng giyera at sari-saring hidwaan. Sapat nang sulyapan ang kanyang mukha at madaling maghihinahon ang lahat. 


Tama lang na pinili niya ang pangalan na Francisco mula kay San Francisco ng Assisi. Angkop ang pangalan at ang diwa nito hindi lang para sa kanya kundi para sa ating lahat. Sino si San Francesco? Ang santong inawit at itinula ang banal na pagkakaugnay ng lahat. Ang santong minahal at pinagtanggol ang lahat ng buhay mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, mula sa maliliit na nilikha ng Diyos hanggang sa pinakakamukha, pinakakawangis niya, ang tao. 


Ang santo ng kapayapaan at mapayapang pagkakaisa ng lahat. Salamat sa 12 taon ng inyong paglilingkod. Sadyang larawan kayo ng Santo at ni Kristo. Salamat sa makabuluhan at mabungang buhay. Tiyak na tumutubo at yumayabong na sa mas marami ang inyong mga ipinunla. Wala mang kayo sa aming piling, naroroon naman ang lahat ng hinog na’t handa nang ikalat at ibahagi ang mga punong hitik sa bunga, at mga punong makapal at malawak ang lilim para sa lahat.


Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page