@Buti na lang may SSS | September 20, 2020
Dear SSS,
Ako ay office clerk sa Ortigas. Nais kong itanong kung bakit kailangan maghulog ng SSS ang isang empleyado? Salamat po. – Alexis
Sagot
Marami tayong miyembro ng SSS ang may ganyang katanungan. Ang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS ay alinsunod sa Social Security Law kung saan obligado ang pribadong employer na i-remit ang kontribusyon ng kanyang mga manggagawa ayon sa nakatakdang araw ng buwanang pagbayad nito. Napakahalagang maghulog sa SSS. Ito ay paraan na rin ng pag-iimpok upang mapaghandaan ang panahon ng iyong pagreretiro.
Bukod sa buwanang pensiyon na iyong tatanggapin sa iyong pagreretiro, maaasahan din ang SSS sa oras ng pangangailangan o times of contingencies. Bilang miyembro, maaaring makakuha ng benepisyo para sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkamatay, pagpapalibing at pagkawala ng trabaho. Kinakailangan lamang na nakatugon sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyong ito.
Sa ngayon, ang miyembro ng SSS ay naghuhulog ng mula P240 hanggang P2,400 na buwanang kontribusyon. At ang halaga ng hulog ay nakadepende sa halaga ng kinikita kada buwan.
Gayundin, hati ang employer at manggagawa sa pagbabayad ng kontribusyon sa SSS. Kung ikaw ay naghuhulog sa minimum amount na P240 kada buwan, P80 ang bahagi mo at P160 naman sa employer mo. Kung ikaw naman ay naghuhulog sa maximum amount na P2,400 bawat buwan, P800 ay bahagi mo at P1,600 naman sa employer mo.
Hindi lugi ang miyembro sa paghuhulog ng SSS contribution sapagkat aanihin naman niya ito ng higit pa bilang benepisyo lalo na sa kanyang pagreretiro.
Halimbawa, ang miyembro na nagbayad ng minimum na kontribusyon (P240 bawat buwan) sa loob ng 10 taon at tatanggap ng kanyang buwanang pensiyon (P2,200 kada buwan) sa loob ng 10 taon ay maaaring magkaroon ng return rate na P286,000 mula sa P28,800 na kabuuang naihulog niya sa SSS. Sa katunayan, sa unang 12 buwan pa lang ng pagtanggap niya ng pensiyon, makakakuha na siya ng kabuuang pensiyon na nagkakahalaga ng P28,600 o katumbas ng 99% ng naihulog niya sa loob ng 10 taon. Sa unang taon pa lang ng pagtanggap niya pensiyon ay halos nabawi na niya ang halaga ng naihulog niya.
Samantala, ang miyembro naman na nagbayad ng maximum na kontribusyon (P2,400 bawat buwan) sa loob ng 10 taon at tatanggap ng kanyang buwanang pensiyon (9,000 kada buwan) sa loob ng 10 taon ay maaaring magkaroon ng return rate na P1,170,000 mula sa P288,000 na kabuuang naihulog niya sa SSS. Sa unang 12 buwan na siya ay makatatanggap ng pensiyon, makakakuha na siya ng kabuuang pensiyon na nagkakahalagang P117,000 o katumbas ng 41% ng naihulog niya sa loob ng 10 taon.
Sa halaga pa lang ng pensiyon na maaaring tanggapin sa pagreretiro, masasabi nating hindi sayang ang naihuhulog sa SSS. Kaya, matalinong pasya ang patuloy na paghuhulog sa SSS dahil ito ay pag-iimpok para sa kinabukasan.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentarios