ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 9, 2022
Nagtungo ang inyong Senador Kuya Bong Go sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Paeng nitong mga nakaraang araw para tingnan ang kalagayan ng ating mga kababayan at makapagbigay ng kaunting ngiti sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Nakarating ang inyong lingkod sa Cavite, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur at Batangas para personal na magkaloob ng tulong sa mga apektadong residente. Ang ating tanggapan naman ay nagtungo rin sa iba pang lugar, tulad ng Laguna, Bulacan at Zamboanga City upang magdala rin ng tulong. Pupuntahan din namin ang Rizal, Panay Island at iba pang apektadong lugar sa mga susunod na araw.
Ipinaalala ko rin sa opisyales ng gobyerno na walang dapat maging isyu sa pagkakaloob ng tulong sa mga nangangailangan. Kung anuman ang available na food packs, kaysa naman masira ay ibigay na agad sa mga tao. Ang importante ngayon ay walang magutom na Pilipino. Sa totoo lang ay pera ng taumbayan 'yan. Ibalik natin sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong may malasakit.
Tayong mga nasa gobyerno, siguraduhin nating ipamahagi na agad ang tulong. Kahit madoble o matriple, ibigay na natin sa mga kababayan natin dahil naghihirap at nag-a-adjust pa sila sa kanilang sitwasyon ngayon na katatapos lang ng kalamidad at may pandemya pang kinahaharap.
Ang iba riyan ay nasiraan ng bahay at wala pang panahong bumili ng pagkain kahit delata. 'Yung iba nga ay walang pambili. Tulungan natin ang ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap. Huwag natin silang mas pahirapan pa. Ibigay agad ang dapat para sa kanila—food pack man 'yan o ayuda—sa lalong madaling panahon.
Lalo na ngayong nagiging mahal ang presyo ng mga bilihin. Trabaho natin sa gobyerno na gawan ng paraan na walang magutom. Dapat gamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan para pakinabangan ng bawat Pilipino.
Para naman sa ating mga kababayan, huwag kayong mawalan ng pag-asa. Magtulungan lang tayo. Paulit-ulit ko ngang sinasabi na ang pera, kikitain pa 'yan, ang gamit mabibili natin, ang mga nabasa at naputikan ay puwedeng labhan. Pero 'yung perang kikitain natin, hindi kayang bilhin ang buhay. A lost life is a lost life forever. Pangalagaan natin ang buhay ng bawat isa.
Ipinaalala rin natin sa lahat na iba na ang panahon ngayon dulot ng climate change. Dapat protektado tayo. Isa sa mga nakikita nating solusyon ay ang malawakang reforestation at greening program sa mga probinsya. Maraming nakakalbo sa ating kagubatan na dapat tanimang muli ng mga puno. Kailangang bantayan pa lalo ang kagubatan at sugpuin ang illegal logging. Kailangang kumpleto at updated ang ating mga geohazard maps and data upang alam natin ang mga lugar na palaging apektado.
Halimbawa, kung alam naman nating palaging binabaha at prone to landslide ang lugar, puwede nating ipagbawal ang pagtatayo ng mga bahay para maiwasan natin ang pagbubuwis ng buhay kung merong sakuna. Dapat ding ayusin ang mga flood control projects bilang dagdag-solusyon sa pagbaha. Umaapela tayo sa gobyerno na mas paigtingin pa ang mga programang ito.
Sa 19th Congress ay muli nating isinumite ang panukalang paglikha sa Department of Disaster Resilience para magkaroon tayo ng departamento na tututok sa mga kalamidad at sakuna, sa pre-positioning ng mga pangunahing pangangailangan bago dumating ang bagyo, sa paglikas ng mga kababayan nating nasa lugar na may peligro, sa pag-aaruga sa mga evacuees hanggang sila ay makabangon at lalo na pagdating sa recovery at rehabilitation. Pag-alis ng bagyo, aasikasuhin naman ang restoration of normalcy at rehabilitasyon ng mga lugar na apektado.
Napapanahon na ang paglikha sa DDR o pagsasaayos at pagpapalakas sa NDRRMC, kaysa puro task force lang. Alalahanin nating walang katapusan ang pagdating sa ating buhay ng bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan at mga sunog, kaya dapat maging mas proactive tayo.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, mayroon din tayong proposed additional budget for the health sector. Mas kailangan nating palakasin pa at suportahan ang ating healthcare system tulad ng mga karagdagang ospital, specialty hospitals, Super Health Centers, para hindi na kailangang magbiyahe ang ating mga kababayan ng malayo upang magpagamot.
Maaasahan naman ang ating suporta ng mga doktor at nars na itinuturing nating bayani, hindi lang sa panahon ng COVID-19, kundi maging kapag may kalamidad dahil sila ang unang rumeresponde para proteksyunan ang kalusugan ng ating mga kababayan.
At tulad ng ating pangako, magtatrabaho at magseserbisyo tayo sa lahat ng Pilipino sa abot ng ating makakaya. Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito, kung anumang kabutihan, tulong at malasakit ang puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Patuloy tayong magseserbisyo, dahil naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments