top of page
Search
BULGAR

Ang hindi bumoboto, bawal magreklamo!

ni Grace Poe - @Poesible | October 12, 2021


Extended ang voter’s registration para sa ating mga botante. Ito ang tugon ng Commission on Elections (COMELEC) sa panawagang ektensiyon para makahabol pa ng pagpapatala, reaktibasyon, at paglilipat ng rekord ang mga nais maging botante sa darating na eleksiyon.


Hinihimok natin ang lahat ng hindi pa rehistrado, pero nasa edad nang bumoto na samantalahin ang pagkakataong ito. Ang pagboto ay obligasyon ng bawat mamamayan sa ating demokrasya. Ito ang pagkakataon ng lahat para piliin ang mga pinuno sa ating pamahalaan. Ito ang kapangyarihan ng taumbayan sa pamahalaan.


Isa sa mga paborito nating naririnig sa akting mga magulang: ang hindi bumoboto, hindi dapat magreklamo! Tayo ang naghahalal ng ating mga pinuno. Kung hindi natin gagamitin ang ating kapangyarihang magluklok ng ating mga opisyal, o kung ipagbibili ang boto, wala tayong maaasahang pagbabago sa ating pamahalaan.


Paalala lang, 'wag hintayin ang huling araw bago magsadya sa registration site para maiwasang maabutan ng cut-off at deadline!


Iisa ang iyong boto, pero isang boto itong maaaring magpaiba sa ating bansa. Magparehistro; bumoto tayo.


***


Isang malaking karangalan para sa ating bansa ang pagkakahirang ng unang Pilipinong Nobel Peace Prize winner, si Maria Ressa.


Napaka-prehistiyoso ng karangalang ito, mga bes! Ibinibigay lamang ito sa piling-piling indibiduwal na nagpamalas ng kakaiba at kahanga-hangang galing sa kanilang larangan.

Ipinakita sa atin ni Maria Ressa kung paano panindigan ang kalayaan ng pamamahayag. Ang kanyang katapangan at katatagan sa paghahanap ng katotohanan at paghahatid nito sa taumbayan ay karapat-dapat sa pagkilala at paghanga sa buong daigdig.


Nawa’y magsilbing inspirasyon sa ating mga mamamahayag at sa ating mga kababayan ang tagumpay na ito ni Maria Ressa. Sa kabila ng mga pagsubok na kanyang kinaharap at patuloy na hinaharap, napatunayan niyang pinagpapala ang mga may paninindigan at may pinaglalaban.

Mabuhay ang malayang pamamahayag! Ang aming pagbati, Maria!

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page