ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 24, 2021
Isang buwan na lamang ay bisperas na ng Pasko, ang araw na pinakahihintay na mismong sentro ng pagdiriwang para salubungin ang mismong araw ng Pasko, kung saan ginugunita natin ang kapanganakan ng Panginoong HesuKristo.
Maraming kahulugan ang Pasko sa napakarami nating kababayan at sa buong mundo ay kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagsalubong sa pagdating ng Pasko kasabay nang pagsigla ng mga pamilihan sa bansa.
Kahit walang kaugnayan sa kautusan ng Simbahang-Katolika, tila nagkukusa na ang marami nating kababayan na sa unang araw pa lamang ng buwan ng Setyembre ay marami na nagpapatugtog ng mga awiting may kaugnayan sa Pasko.
Hindi dahil sa nilalabag natin ang aral ng simbahan, ngunit pagpapakita ito ng maraming Pilipino nang pagkasabik sa pagdating ng araw ng Pasko at katunayan maging ang pamahalaan at mga negosyante ay nakikisabay sa pagbibigay ng maagang benepisyo para mga manggagawa.
Nitong nagdaang linggo matapos ibaba na ang COVID-19 alert level sa maraming lugar, partikular sa Metro Manila ay kitang-kita ang pagdagsa ng maraming tao sa mga shopping mall at restaurant.
Ngunit higit sa dinarayo ng ating mga kababayan ay mga pandekorasyon na maaaring gamitin sa pagsalubong sa Pasko at isa sa mga nangunguna ay ang iba’t ibang laki ng Christmas tree at iba’t ibang disenyo ng Belen.
Ang Belen ay isa sa pinakamahalagang tampok na inilalagay sa mga simbahan ilang araw bago sumapit ang Pasko na binubuo ng nakahigang sanggol sa sabsaban kasama sina Maria at Jose na napapaligiran ng mga pastol at ng kanilang mga tupa.
Makikita rin ang tatlong Haring Mago at mga anghel na nagsisiawit sa itaas na bahagi ng Belen dahil sa pagsilang sa Mesiyas na nagbibigay ng napakalaking mensahe para sa kapayapaan hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong daigdig.
Sa ating bansa ay may ginaganap na Belenismo Festival sa Tarlac na taun-taong dinarayo ng marami nating kababayan na naging dahilan kaya sila tinawag na ‘Belen Capital of the Philippines’ dahil sa labis na pagbibigay-importansiya nila sa Belen.
Ang Belenismo na mula sa salitang “Belen” ay salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay artistikong paggawa ng Belen na hango noong 1223 nang si St. Francis of Assisi at ang ilang kasama ay gumawa ng kauna-unahang Belen.
Isa sa pinakaprominenteng simboliko sa pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas ay ang Belen o ang Nativity Scene na galing sa katagang Betlehem kung saan isinilang si Jesus Christ at ang mula noon ang Belen ay nagtataglay na ng mensahe ng pagmamahal, awa at kababaang loob ng ating Panginoon.
Bukod sa parol na kasama rin sa disenyo ng Belen na sumisimbolo naman sa liwanag ng tala na diumano ay naging gabay ng tatlong Haring Mago para matunton ang lugar kung saan isinilang ang Panginoon ay naging permanenteng disenyo na rin ang Belen.
Kabilang na ang mga simbahan, paaralan at maging ang mga establisimyento sa maraming lugar ay makikitaan na ng Belen at may pagkakataong naglalakihan pa ang mga ito ng tulad sa sukat ng normal na tao.
Bago magwakas ang dekada ‘60 hanggang sa unang bahagi ng 2000 ay may napakalaking Belen na dinarayo ng marami nating kababayan sa COD building sa Araneta Center, ngunit 2003 ay inilipat na ito sa Greenhills Shopping Center sa San Juan.
Sa pagpasok ng pandemya ay pansamantalang lumamya ang Belen Festival sa Tarlac, partikular noong nakaraang taon, ngunit ngayong taon ay inaasahang muling magbabalik sigla na ang pagandahan ng mga gawang Belen.
Hindi basta-basta ang mga lumalahok sa Belen Festival sa Tarlac dahil halos lahat ng kompanya, mga negosyo, pribadong indibidwal at kilalang grupo ay lumalahok sa Belen festival sa Tarlac na dinarayo tulad din ng pagdayo sa Panagbenga festival sa Baguio.
Isa pa sa kapansin-pansin sa mga nagdaang festival ng Belen sa Tarlac ay ang kahusayan at katalinuhan ng ating mga kababayan sa paggawa ng Belen na gawa sa iba’t ibang klase ng materyales na hindi natin aakalaing magagawa.
May mga gumagamit lamang ng sako ng bigas, pinatuyong damo, sawali, kawayan ngunit kapag nalagyan na ng magagandang ilaw ay hindi natin mapipigilang mamangha dahil sa sobrang gaganda.
Hindi lang tayo ang pinaghahandaan ang paggawa ng Belen dahil ngayon ay itinatampok din ito sa maraming bahagi ng mundo tulad sa gitna ng St. Peter’s Square sa Vatican, mayroon din sa Metropolitan Museum of Art sa New York City at Carnegie Museum of Arts sa Pittsburgh.
Maging ang mga siyudad sa Australia, Canada, Germany, Italy, Poland at United Kingdom ay may kani-kanyang naglalakihang Belen at ang Nativity Scene sa Bethlehem mismo kung saan nagsimula ang lahat, sa Orthodox Church of the Nativity na siya ring plaza ng naturang lugar.
Ngunit higit sa lahat ng kagandang dala ng Belen ay ang tunay na diwa nito bilang paggunita sa kapanganakan ng ating Panginoon na simbolo nang pagbibigayan at pagpapatawad sa bawat isa bago sumapit ang araw ng Pasko.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
ความคิดเห็น