ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Nov. 19, 2024
Photo: Amy Perez - FB
Ang aga ng pa-Christmas-cum thanksgiving presscon nina T'yang Amy Perez at Tita Winnie Cordero sa ilang miyembro ng media at vloggers na ginanap sa Seda Hotel, Trinoma Complex nitong Nobyembre 12 at magkahalong saya at lungkot ang naramdaman nila nang muling bumalik sa ere ang Teleradyo.
Masaya sila dahil may programa sila sa Teleradyo sa DWPM (dating DZMM).
Si T'yang Amy, may Ako ‘To, Si T'yang Amy program na tungkol sa mental health issues at napapakinggan tuwing 3 PM mula Lunes hanggang Biyernes. Si Tita Winnie naman ay may dalawang programa sa DWPM, ang Tatak Serbisyo na isang public service program, Lunes hanggang Biyernes, 10:30 AM, at Win Today tuwing Sabado, 10 AM.
Pero malungkot sila dahil marami silang kasamahan sa dating DZMM ang nawalan ng trabaho mula pa noong nawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Anyway, bilang tumatalakay sa mental health issues at nagbibigay-payo si T'yang Amy kaya natanong siya kung ano'ng ipinapayo niya sa mga tagasubaybay niya.
“Marami na kaming pinagdaanan sa buhay. So, 'yung mga pinagdaanan namin na iyon ang siyang baon namin every single day.
“Kapag ako ang nagbibigay ng advice sa mga listeners, hindi ko naman idinidikdik sa kanila, ‘O, eto ang gawin mo because this is how I did it before.’
“So, alam ko na hindi siya one size fits all. At the end of the day, I will give you options. Kung ikaw ay aking listener, bibigyan kita ng option nu’ng nangyari 'yan sa akin. Kunwari, kung ang pinag-uusapan ay nag-cheat ang asawa, ‘Eto 'yung ginawa ko. Nangyari 'yan sa akin,'” natawang banggit ng TV-radio host.
At siyempre, ang matinding pinagdaanan ni T'yang Amy sa kanyang unang asawa ang naibahagi niya sa kanyang mga listeners.
Pero ngayon ay, “I’m happy with my second husband. In fact, we’re celebrating our 10th wedding anniversary.”
Ang kilalang radio host na si Carlo Castillo ang tinutukoy ni T'yang Amy. Biniyayaan sila ng dalawang anak — sina Kyle, 16 years old, at Seyah, 12 years old.
Ang panganay na anak ni Amy na si Adi, 26 years old, ay humiwalay na sa poder nila noong edad 21 ito.
Anyway, aminado si T'yang Amy na nakaka-relate siya sa mga problema ng mga tagasubaybay niya na naloko ng partner nila at ito ‘yung nangyari sa unang asawa niyang si Brix Ferraris. Ikinasal sila noong 1995 at napawalang-bisa ang kanilang kasal pagkalipas ng siyam na taon.
Going back sa pagbabalik nila sa Teleradyo ay aminadong pressured si T'yang Amy.
“Masaya na meron ding pressure na nasa balikat naming lahat na nasa DWPM dahil siyempre, alam naman natin na hindi pa tuluyang nakakaahon ang programa, ang istasyon.
“So, alam namin na sundalo kami na sumusunod at ginagawa ang trabaho namin para sa ikauunlad ng lahat ng nasa DWPM.
“Masaya dahil nakikita pa rin namin ‘yung mga dati naming katrabaho and at the same time, malungkot kasi alam naming nabawasan kami, pero nandito pa rin kami, lumalaban. Sabi nga sa Korea, ‘fighting!’” sambit nito.
Comments