ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 17, 2020
Tayong mga abogado, tulad ng mga witness sa korte, nakalibing din sa hukay ang isang paa natin, sa tuwing tayo ay nasusuong sa malalaking kaso. ‘Yung tipo ng kaso na malalaking tao ang sangkot at may “kakayanang ipatumba” ang mga witness o maging ang mga abogado. Ganyan ang realidad.
At kung ang mga abogado nga, nalalagay sa alanganin dahil sa mga hinahawakang kaso, paano pa kaya ang mga prosecutor? Itong mga prosecutor, nasa balikat nila kung paano mapatutunayang malakas ang mga ebidensiya laban sa mga suspek. At sakaling mapatatag ng prosecutor ang mga ebidensiya, posibleng madiin sa kaso ang akusado. Ganyan kabigat ang role ng prosecutor sa ating criminal justice system.
At sa bigat ng kanilang papel sa paggulong ng hustisya, mukhang malabnaw ang pagkilala sa kanilang importansiya. May benepisyo ang ilang miyembro ng justice system natin na wala sa mga prosecutor. Ang survivorship benefits.
Malaki ang respeto natin sa ating mga prosecutor at dapat nating kilalanin ang kanilang papel sa galaw ng hustisya sa bansa. At dahil d’yan, ipinanukala natin ang pagkakaloob ng survivorship benefits sa lahat ng miyembro ng National Prosecution Service o NPS sa pamamagitan ng ating isinusulong na Senate Bill 1865.
Ang counterparts ng ating magigiting na prosecutor sa Office of the Ombudsman at maging sa hudikatura, nakatatanggap sila ng naturang benepisyo. Wala namang pinagkaiba sa takbo ng kanilang trabaho, pero bakit may puwang pagdating sa benepisyo? Pare-pareho naman ding nasa bingit ng peligro ang buhay nila dahil sa naglalakihan at mga kontrobersiyal na kasong hawak nila.
Nito lang Hulyo ng taong ito, isang inquest division chief ng Manila City Prosecutor’s Office, si Jovencio Senados, ang pinatay habang papasok sa kanyang tanggapan. Ganyan ka-kritikal ang buhay prosecutor kaya ‘wag naman sana silang maiiwan sa mga pagkilala at benepisyo.
Sa ating itinutulak na panukala, hinihiling natin na i-recognize ng gobyerno ang sakripisyo ng ating NPS prosecutors.
At sa ilalim ng ating bill, iniaatas na sakaling pumanaw ang isang retiradong miyembro ng NPS, kailangang matanggap ng kanyang lehitimong pamilya at dependents (lehitimong asawa at mga anak, maging ito man ay illegitimate o ampon, PROVIDED na ang mga ito ay dependent pa talaga sa namayapa; may gulang na 21 pababa, walang asawa, walang trabaho o kaya’y may taglay na kapansanan sa isip at sa aspetong pisikal) ang lahat ng kanyang retirement benefits na tinatanggap na niya noong siya ay nabubuhay pa.
Ganito rin ang sistemang nais natin para sa mga NPS member na pumanaw kahit eligible for retirement pa lamang sila. Ang kanilang mga maiiwang retirement benefits ay kailangang matanggap din ng kanilang lehitimong pamilya.
Gayunman, nililinaw din natin sa ating panukala na sakaling muling mag-asawa ang biyudo o biyuda ng NPS member, hindi na niya matatanggap ang naturang benepisyo.
At sakali namang walang asawa o anak ang namatay, ang kanyang retirement benefits ay kailangang matanggap ng kanyang mga magulang.
Napakahalagang maisabatas ang panukala nating ito para maiparating natin sa ating NPS members na mahalaga ang kanilang papel sa ating estado pagdating sa paggulong ng hustisya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co
Comments