ni GA @Sports | November 1, 2023
Maghihintay muli hanggang Enero sa susunod na taon si dating long-time super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas upang maisakatuparan ang pangarap na muling maging kampeon matapos makansela ang laban kay World Boxing Association (WBA) bantamweight title holder Takuma Inoue dulot ng rib injury.
Kinakailangang magkaroon ng kaunting pagsasa-ayos at pagbabago sa ginagawang pagsasanay at paghahanda ng dating International Boxing Federation (IBF) 115-pound titlist matapos maurong ang nakatakdang Nobyembre 15 na laban sa Tokyo, Japan. “Ang plano raw is January.
Normal na yan kay Jerwin na may schedule na laban na naka-cancel. Wala tayong magagawa, nasa kanila ang bola basta ready na lang tayo palagi,” pahayag ni head trainer at manager na si Joven Jimenez.
Inihayag ng promoter na si Hideyuki Ohashi nitong Biyernes ang pagkakaroon ng fractured rib injury ni Inoue, na idedepensa sa unang pagkakataon ang kanyang titulo na napanalunan kontra Liborio Solis nitong Abril 8 sa Ariake Arena sa bisa ng unanimous decision para sa bakanteng posisyon na iniwan ng nakatatandang kapatid na si Naoya “The Monster” Inoue matapos maging undisputed titlist sa 118-lb division.
Inamin ni Jimenez na mayroon silang babaguhing pagbabago sa kanilang ensayo upang hindi masayang ang matagal na paghahanda, lalo pa’t wala pang eksaktong petsa ng gagawing laban. “Pag-uusapan namin ni Jerwin yung kaunting changes. Tuloy-tuloy pa rin ang training namin. May mga adjustments lang kaming gagawin dahil hindi pa namin alam ang schedule ng laban,” paglalahad ni Jimenez.
Patungo na sana sa inaasam na ‘peak’ ang 31-anyos na tubong Panabo, Davao City para sa ikalawang pagkakataon sa title shot matapos mawala sa baywang ang junior-bantamweight na mahigit sa 5-taon na hinawakan nang dominahin ng dalawang beses ni reigning IBF titlist Fernando "Pumita" Martinez ng Argentina.
Comments