ni Gerard Arce @Sports News | Feb. 1, 2025
Photo: Jerwin Ancajas - FB
Kinakitaan ng panunumbalik ng ningning sa kanyang boxing career si dating World titlist Jerwin “Pretty Boy” Ancajas kasunod ng impresibong second-round stoppage sa dating World challenger na si Richie “Magnum” Mepranum tungo sa pagkakabulsa ng Philippine super-bantamweight title sa Public Plaza ng Iligan City.
Ipinamalas ng dating International Boxing Federation (IBF) super-flyweight champion ang pambihirang mga atake sa bodega at katawan ng tubong Maasim, Saranggani para tuluyang tapusin ang laban ni referee Delbert Pelegrino kasunod ng mandatory count dito. Ito ang isa sa mga pagdadaanang pagsubok ng dating World bantamweight challenger na si Ancajas (35-4-2, 23KOs) upang makabalik sa inaasam na top-performance tungo sa World rankings.
Nais bumawi ng kampo ng 33-anyos mula Panabo City, Davao del Norte sa hindi gaanong impresibong panalo laban kay Sukpraserd “Sukkasem Kietyongyuth” Ponpitak ng Thailand sa nakalipas na subok sa featherweight division sa co-main event bout sa Manny Pacquiao Presents: Blow-By-Blow noong Set. 22 sa Mandaluyong City College Gym.
Nagtapos ang laban sa 5th-round disqualification matapos mahirapang sabayan ang pisikal na diskarte kontra Thai boxer, kung saan nabanaag ang pagpapabaya sa timbang at tamang kondisyon ng pangangatawan ni Ancajas.
Subalit sa pagkakataong ito, kinakitaan ng naiibang porma ang 5-foot-6 boxer na may tamang kondisyon at porma na lubos ang paghahanda at pagsasanay sa ilalim ng trainer at manager na si Joven Jimenez na nag-ensayo ng husto sa Iligan City para matamo ang inaasam na preparasyon at kagustuhang makabalik sa World title fight sa hinaharap.
Sa nagdaang limang laban ni Ancajas, tatlong beses itong pumalyang magwagi sa World title bout. Nagtapos ang two-fight winning run ng 37-anyos na si Mepranum (38-10-1, 12KOs) na huling nanaig kontra Kim Lindog sa 6-round unanimous decision noong Agosto sa Almendras Gym sa Davao City.
Comments