ni Gerard Arce @Sports | June 9, 2023
Pagsisikapan ng husto ni dating super-flyweight World champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas na muling makasungkit ng kampeonato sa bagong kategorya na bantamweight division na siksik ang kondisyon katulong ang renowned strength and conditioning coach na si Angel “Memo” Heredia.
Matapos maging pangunahing problema sa magkasunod na pagkatalo laban kay reigning International Boxing Federation (IBF) 115-pound champion Fernando “Pumita” Martinez ng Argentina ang kanyang timbang, kinakitaan ng panibagong sigla at lakas ang 31-anyos mula Panabo, Davao de Norte na masiglang bumabanat sa ensayo at sparring sessions kasama sina head trainer at manager Joven Jimenez at Mexican trainer Heredia.
“Nagustuhan namin si coach Memo dahil high energy palagi siya. Gaganahan talaga ang boxer at pinapaliwanag niya lahat ang ginagawa kung ano ang purpose,” paliwanag ni Jimenez.
Nakatakdang sumuntok muli ang 5-foot-5 southpaw laban sa hindi pa pinapangalanang kalaban sa undercard battle nina undefeated Filipino boxer Jade “Hurricane” Bornea at Martinez sa Minnesota sa U.S. sa Hunyo 24.
“Sa ngayon po maganda ang condition niya at gusto niya ang laban na timbang ngayon. Ganitong panahon noon ay hirap na hirap na siya, pero ngayon naghuhubad ng t-shirt kapag nag-eensayo,” ani Jimenez na kasalukuyang nagsasanay sa Las Vegas, Nevada kasama ang iba pang Filipinong boksingero na kinabibilangan nina Jonas “Zorro” Sultan at dating World challenger Vincent “Asero” Astrolabio.
Sakaling manaig sa mga darating na laban sa 118-lbs si Ancajas ay mabibigyan ito ng pagkakataon na makalaban sa World title, matapos mapabilang ito sa No.8 ranked sa IBF at World Boxing Association (WBA). Kasalukuyang hinahawakan din ito ng MP Promotions ng nag-iisang eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao at ni president at international matchmaker Sean Gibbons.
Commenti