top of page
Search
BULGAR

Anak sa pagkadalaga na pinalaki ng ina, gustong makapiling pero takot umamin

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | May 26, 2021



Dear Sister Isabel,

Ang problemang isasangguni ko ay tungkol sa aking anak. Labing-anim na taon ako nang mabuntis ng 18-anyos na kapitbahay namin at tinakasan niya ako nang malaman na buntis ako. Inilihim namin ang mga pangyayari, kaya itinago ako ng mga magulang ko sa malayong lugar. Hindi nagtagal, isinilang ko ang aking anak na babae.

Inalagaan ko siya hanggang two years old siya. Naisip kong mag-abroad para matulungan ang aking nanay, na siya kong pag-iiwanan ng anak ko at para mabigyan na rin ng magandang kinabukasan ang bata. Sa awa ng Diyos, natuloy ako sa abroad. Napagkasunduan namin ng nanay ko na huwag nang sabihin sa bata na ako ang tunay niyang inam, sa halip, siya ang magpakilalang ina habang ito’y lumalaki.

Pumayag naman ang nanay ko at nangakong aalagaang mabuti ang aking anak ko. Hindi nagtagal, nagka-boyfriend ako ng foreigner at napabibilang sa mayamang angkan. Nagkaanak kami ng isa at napagkasunduang magpakasal sa Pilipinas.

Muli kaming bumalik sa abroad at masaya ang pagsasama namin dahil napakabait ng asawa ko. Ang problema ay nami-miss ko na ang anak ko at binabagabag ako ng aking konsensiya sa ginawa kong pagtatago sa kanya. Hindi ko man lang naipamalas ang pagmamahal ko sa kanya bilang tunay niyang ina.

Sa kabilang dako, nag-aalala naman ako na malaman ng asawa ko ang aking lihim at bigla na lang siyang magbago, mabawasan ang pagmamahal sa akin at tuluyan nang mawalan ng tiwala sa akin. Ano ang gagawin ko? Alam kong walang lihim na hindi nabubunyag, ipagtatapat na ba namin sa anak ko na ako ang tunay niyang ina? Isa pa, baka hindi maunawaan ng asawa ko at magalit siya nang todo at tuluyan nang tumabang ang pagtingin sa akin.

Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo sa problemang gumugulo sa isip ko.


Gumagalang,

Bernadette


Sa iyo, Bernadette,

Kung minsan, makabubuting ang lihim ay manatili na lamang na lihim upang huwag nang magkagulo at mapanatili ang magandang samahan ng bawat isa. Ang maipapayo ko ay huwag mo nang ipaalam sa anak mo na ikaw ang tunay nyang ina. Tutal naman ay maayos siyang pinalaki ng nanay mo na siya na rin niyang kinilalang ina habang ikaw naman ay nakatagpo na ng mabuting asawa at maligaya kayong nabubuhay sa kasalukuyan. Ipagpatuloy mo na lang ang pagiging ulirang asawa at ina ng anak n’yo ng asawa mo ngayon. Pangatawanan mo ang paglilihim mo sa kanya tungkol sa iyong nakaraan at ipanatag mo ang iyong isipan.


Gayundin, humingi ka ng tulong sa Diyos at hilingin na pagpalain ka sa buhay na tinatahak mo ngayon at bigyan rin ng kapayapaan ng puso’t kalooban. Minsan sa buhay ng tao, may mga pagsubok na halos ay hindi natin alam lunasan, subalit ito’y lilipas din at malalagpasan, basta’t tatanggapin nang maluwag sa kalooban at taos-pusong mananalig na ang Diyos ay nand’yan lang at hindi tayo pababayaan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page