ni Beth Gelena @Bulgary | Jan. 24, 2025
Photo: Rufa Mae Quinto - IG
Nagbigay ng update si Rufa Mae Quinto sa estado ng relasyon nila ng kanyang asawang si Trevor Magallanes sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz.
Aniya, marami siyang katanungan ngunit hindi na umano siya nagkalakas-loob na usisain pa ang mister kung bakit gusto nitong makipaghiwalay.
Matatandaang sa kasagsagan ng isyu ng kasong kinaharap ni Rufa Mae kaugnay ng ineendorsong clinic, gumulantang sa publiko ang post ng kanyang mister tungkol sa kanilang relasyon.
Aniya, “Ewan ko kung ano na talaga. Basta sabi n’ya, ayaw na n’ya. Kaya nga marami rin akong tanong, ‘di ko rin alam ang sagot or wala na rin talagang sagot.
“Hindi ko nga alam kasi hindi na nga rin ako nag-text, eh, kasi baka ma-screenshot uli,” natatawang nasabi ni Rufa Mae.
Matatandaang kalakip ng mga screenshots ng conversation nilang mag-asawa ang post ng mister na nagsasabing nais na nitong tapusin ang kanilang ugnayan bilang mag-asawa.
Nabanggit ni Rufa Mae ang ilang posibleng dahilan kung bakit ganoon na lamang ang naramdaman ng mister sa kanya.
Isa na rito ang madalas niyang pagpunta sa Pilipinas para sa trabaho na ipinagpapaalam naman niya umano kay Trevor at pinapayagan naman daw siya nito.
Gayunpaman, nilinaw din ni Rufa Mae Quinto na kahit ganoon na ang takbo ng kanilang relasyon, malapit pa rin si Trevor Magallanes sa kanilang anak na si Athena.
Paliwanag niya, “Wala akong pinagsisisihan. We’re still the best, you know. May mga bagay lang talaga na hindi perfect. Pero masaya ako dahil nand’yan pa naman s’ya. Mabait s’ya sa anak namin, mahal na mahal n’ya.”
Si Enzo Pineda ang nakasungkit ng Best Actor award sa 11th Emirates Film Festival na ginanap sa Dubai nu’ng January 18, 2025.
Aniya, “I feel very blessed and honored.”
Sa pelikulang As the Call, So the Echo (ATCSTE) na isinulat at idinirek ni Rusty Palacio Guarin nanalo ang aktor. Nanalo rin si Direk Palacio bilang Best Director sa festival.
“Sa totoo lang, ‘di ko s’ya in-expect, because to begin with, based sa sinabi ng producer namin, we weren’t supposed to be part of this festival. Nagkataon lang, nabigyan kami ng pagkakataon to be part of this festival,” wika ni Enzo.
Sa pelikula, ginagampanan niya ang isang family man na gumagawa ng underground work para sa isang sindikato na nangunguha ng mga bata at ibinebenta ang mga bahagi ng katawan ng mga ito sa interesadong buyers. Ang pelikula ay kinunan sa Quezon City at intended para sa international festivals.
Aniya, “Tayong mga Pilipino, we really have the talent talaga and capability to do meaningful and international-quality projects. Nagkakataon lang, ang kulang is the opportunity, sometimes funding, sometimes connection.”
Dagdag pa niya, “Hopefully, mapansin pa tayo ng buong mundo not just with acting but the quality of the projects that we are producing.”
Ito ang unang international acting award na natanggap ni Pineda pagkatapos niyang manalo bilang Best Supporting Actor noong 2021 FAMAS para sa He Who Is Without Sin.
Ayon pa sa aktor, wala pang plano kung kailan ang local screening ng ATCSTE, pero pupunta raw dito sa bansa ang Dubai-based producer ngayong March para sa private screening ng pelikula.