ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 29, 2025
Photo: Vic at Vico Sotto - FB / SS
Unang araw pa lang ng kampanya ng mga local candidates, may pasabog na agad ang Eat… Bulaga! host na si Bossing Vic Sotto bilang suporta sa kanyang anak na si Mayor Vico Sotto na muling tumatakbo sa Pasig bilang re-electionist.
Sa ginanap na Giting ng Pasig campaign ng partido ni Mayor Vico kahapon, Biyernes (March 28), umani ng masigabong palakpakan at hiyawan ang tinuran ni Bossing Vic nang ipakilala niya ang anak para magbigay ng speech nito.
Matapos kasing iyabang ni Bossing Vic (in fairness, kayabang-yabang naman talaga) ang mga nagawa ni Mayor Vico sa Pasig at kung paano raw kinaiinggitan na ngayon ang mga Pasigueño dahil nawala ang korupsiyon at nagkaroon ng “very, very good governance”, ang kasunod na hirit ng TV host ay “Ito na po (ipinakikilala ko sa inyo), ang susunod na presidente ng Pilipinas, Mayor Vico Sotto.”
Bongga, devah?!
I’m sure, ngayon pa lang, marami nang pulitikong nag-a-aspire ring maging pangulo ng Pilipinas sa mga susunod na taon ang kinakabahan na kay Mayor Vico Sotto.
Nang mahingi naman ang reaksiyon ni Mayor Vico sa sinabi ng ama, simpleng sagot nito, “Huwag na natin pansinin ‘yun, na-carried away lang ‘yun.”
REAL talk, dito sa ‘Pinas, malaking factor ang popularidad ng isang kandidato para manalo sa target niyang posisyon, mapa-kagawad man ‘yan, barangay chairman, konsehal, vice-mayor, mayor, congressman, senador, vice-president at hanggang sa pagka-presidente.
At aminado rito ang high-profile lawyer ni Benhur Luy sa P10 billion pork barrel scam involving Janet Napoles na si Atty. Levi Baligod, na ngayon ay tumatakbong congressman sa 5th District ng Leyte na kung ang pagbabasehan ng mga botante ay ang popularidad, talung-talo sila sa mga artista na tumatakbong pulitiko.
Pero hindi man celebrity at hindi rin kumuha ng sinumang celebrity para mag-endorse sa kanya, naniniwala si Atty. Levi na ang kanyang adbokasiya na mawala ang korupsiyon at magkaroon ng transparency sa lahat ng proyekto ng gobyerno para makasiguradong sa tama napupunta ang pondo ng bayan ay ang maipagmamalaki niya para pagkatiwalaan siya ng kanyang mga kadistrito sa Leyte.
Nahingi namin ang reaksiyon ni Atty. Levi sa pagpasok ng mga artista sa pulitika.
Diretso niyang sagot, “Unang-una, hindi bawal sa kanila ang pumasok. Ang public service ay isang mabigat na obligasyon, isang mabigat na responsibilidad at kung sa tingin ng kandidato ay kaya niyang bitbitin ang responsibilidad ng isang government official ay pupuwede naman.”
Pero may pakiusap lang daw siya sa mga tumatakbong celebrities.
“Ang pakiusap ko lang sa mga tumatakbo, dapat tayo ay maging role models. We should not just dream to become leaders of this country, we must endeavor to become role models, hindi sila maging corrupt,” pahayag nito.
Ang problema nga kasi sa ‘Pinas, mas pinipili ng mga botante ang mga artista dahil lang na-entertain sila o dahil kilala nila kahit minsan ay kulang sa kaalaman at karanasan.
MAY chance pala ang Chinita Princess na si Kim Chiu na sumikat at maging endorser sa China.
Nakausap kasi namin recently sa Kamuning Bakery Pandesal Forum ni Sir Wilson Flores si Mr. Alfonso “Pons” de Dios na 24 yrs. nag-stay sa China.
He spent 8 years living in Guangzhou as Procter & Gamble Greater China’s Media Director. Mula 2001 to 2009, he managed all of P&G brands’ media and communication plans and budgets, working closely with close to 3,000 TV stations and digital media platforms across China’s 33 markets.
In 2010, lumipat siya sa Beijing, setting up his media management consultancy, Telos Media Works, helping companies effectively and efficiently leverage traditional and new media in building brands.
Dito naman sa Manila, he also set-up TVCXpress Manila Inc., an advertising/communication technology company, involved in designing and developing technology-empowered solutions for brand and business building.
At dahil sa mga naging karanasan niya sa mundo ng media, natanong namin siya kung ano ba ang mga qualities ng Filipino celebrities na puwedeng sumikat bilang endorser sa China.
Ang mga ibinigay niyang qualities ay una, siyempre dapat maganda. Pero hindi raw sapat ‘yun, dapat standout din ang beauty, Filipino-Chinese siyempre para may advantage, at dapat din, magaling na influencer, malakas ang appeal at may maipagmamalaking body of work.
So, ibinalik niya sa amin ang tanong kung sino ang nakikita naming pasok sa mga qualities na ‘yan at ang naisip namin… si Kim Chiu!
Well, tama ba kami? Pasok naman si Kim sa lahat ng qualities na ibinigay niya, lalo na siguro ‘pag nag-box office hit ang bagong movie nina Kim at Paulo Avelino na My Love Will Make You Disappear at kapag ipinalabas din ito sa China.
Sey n’yo, mga Ka-Bulgar?
Comments