ni Nitz Miralles @Bida | August 5, 2024
Ang girlfriend na si Chloe San Jose ang kasama ni Carlos Yulo na nag-celebrate ng panalo niya ng gold sa Paris Olympics. Si Chloe ang isa sa mga unang kinongratyuleyt, nainterbyu at nag-post ng photos ng gold medalist.
“Proud and supportive girlfriend,” ang description kay Chloe na ang caption sa ipinost na photos ni Caloy ay: “We did it all in God’s name.”
Marami tuloy ang gustong malaman kung paano nagsimula ang love story nina Carlos at Chloe, kung saan at paano sila nagkakilala, kung ilang taon na ang kanilang relasyon at iba pang bagay sa kanilang dalawa.
Si Chloe at ang pamilya nito ang itinuturing na pamilya ni Carlos pagkatapos siyang itakwil ng kanyang pamilya.
Nasilip ng isang fan ni Carlos ang profile niya sa Paris Olympics app at ang nakasulat lang na family niya ay ang kanyang girlfriend.
Based sa Australia ang GF ni Carlos at ang pamilya nito, kaya malamang, after ng Paris Olympics, sa Australia muna magpapahinga ang ating gold medalist. Hindi muna ito babalik ng Pilipinas lalo na at nag-iingay ang kanyang nanay. Mas pinuri pa nito ang Japanese gymnast na nanalo ng gold sa All-Around category.
Mukhang totoo ang tsika na ayaw ng nanay ni Carlos sa GF nito. May nakahalungkat ng old post nito kung saan binanggit na ginayuma ang kanyang anak. Si Chloe rin daw ang jinx kay Carlos.
Pero paano ‘yan, naka-gold medal ngayon ang kanyang anak?
Sa post ni Chloe na naka-two-piece at ipinakita ang kanyang behind, ang comment ng mom ni Carlos na si Angelica Poquiz-Yulo, puwit lang daw ang kaya nitong ipakita. Hahaha!
Ang sabi-sabi pa, pera ang rason kung bakit may hidwaan si Carlos at ang kanyang pamilya. Binlock si Carlos sa FB ng mom niya at hindi na itinuturing na kasama sa pamilya nila at ito ang ikinalungkot ng mga fans ni Carlos. Ang wish at dasal nila, sana, maayos pa ang away nila, pero kailangang tanggapin muna ng mom ni Carlos ang GF ng anak.
Ang nakakatuwa lang, kahit estranged sa kanyang pamilya, ang dami nang nagmamahal kay Carlos Yulo. Sila ang nagtatanggol dito sa mga pa-shade ng kanyang mom at iba niyang relatives.
Minumura si Marian Rivera hindi dahil sa galit, kundi sa husay niya sa pelikulang Balota, her first Cinemalaya entry.
Ang pagmumura kay Marian ay may kasamang comment na “Napakagaling mo!”
Marami rin ang gustong uliting mapanood ang movie. Problema lang, limited ang cinemas na pinaglalabasan nito.
Comment ng isa pang nakapanood, nagpapalakpakan, nagtatawanan, at may umiiyak pa sa mga moviegoers habang pinapanood ang Balota dahil kumpleto ito, may action din.
Pati ang mahusay na aktor na si John Arcilla, pinuri si Marian.
Ipinost nito ang trailer ng Balota sa Instagram (IG) niya at sabi, “Marian made a film for [Cinemalaya] with relevant issues right after the Phenomenal BLOCKBUSTER film REWIND that raked billion of pesos in the box office. I think it is such an admirable act.
“It is indeed a gesture of giving back to the industry where she found her passion. Salute to @marianrivera and God bless you more! I will definitely watch this film.”
Sumagot si Marian ng “Salamat po ng marami,” at sinundan ni Dingdong ng “Salamat, Heneral.”
Hanggang August 11 ang Cinemalaya at marami ang nagre-request na maipalabas ang Balota sa mga malapit na sinehan at kung puwede raw na dagdagan ang cinemas na paglalabasan nito.
Gusto nilang mapanood si Teacher Emmy (Marian) at kung bakit siya minumura ng mga moviegoers.
Tungkol pa rin sa Cinemalaya, nakansela ang premiere ng Lost Sabungeros dahil sa security concerns.
Ano ‘yun, may nagbanta na may mangyayari sa mga manonood kapag itinuloy ang premiere? ‘Katakot naman!
Wala pang advisory kung kailan matutuloy ang premiere ng movie na tungkol sa mga nawawalang sabungero. Ipapalabas pa ang documentary na produced ng GMA Public Affairs at GMA Pictures. Marami pa naman ang gustong manood sa documentary para malaman kung ano talaga ang nangyari sa mga nawalang sabungero.
Ang Balota ni Marian Rivera ang pumalit sa hindi naipalabas na Lost Sabungeros. Dahil sa nangyari, mas marami ang gusto itong mapanood at may mga request na ipalabas sa mga sinehan after ng Cinemalaya. Siguro naman, wala nang magiging problema sa security ng manonood.
Comments