ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | April 25, 2022
Kahit na biro ang sinabi ni presidential aspirant Isko Moreno na libreng booking ang mga miyembro ng LGBT sa anak niyang si Joaquin Domagoso ay hindi ito maganda bilang ama ng binata.
Kahit binawi ito ni Mayor Isko na nagbibiro lang daw siya, namenosan na siya ng boto sa ilang netizens na naringgan naming nagsabing, “Hindi mo dapat ginagawang biro ang miyembro ng pamilya mo lalo’t anak mo pa. Puwede kayong magbiruan na kayu-kayo lang, pero sa publiko na naririnig ng buong Pilipinas dahil kumakandidato kang presidente? Hindi tama ‘yun!”
Ito rin ang pahayag ng batikang manunulat at Cristy Ferminute and Showbiz Now Na host na si ‘Nay Cristy Fermin na hindi rin nagustuhan ang biro ni Mayor Isko.
Sa kaa-upload lang nitong video sa Showbiz Now Na YouTube channel kasama sina Morly Alinio at Rommel Chika ay binanggit ito ni ‘Nay Cristy.
“Hindi ko gusto ‘yun! ‘Yung ginawa ni Mayor Isko Moreno na umakyat siya doon sa kanyang rally, tapos may mga LGBTQ doon, nagsigawan. (Sabi ni Isko) Bibigyan ko kayo ng booking, libre.’
“Hulaan mo (kung) sino ‘yung libreng booking (baling kay Rommel), si Joaquin!” bungad ni Nanay Cristy.
Ipinakita ang video na binati ni Mayor Isko ang mga miyembro ng LGBTQ, “Mamaya, ireregalo ko sa inyo si Joaquin. Libre booking.”
Naghiyawan ang lahat sabay labas naman ni Joaquin sa entablado na tila lulundag sa maraming tao.
Sa pagpapatuloy ni ‘Nay Cristy, “Napanood ko ‘yung video. Nakita ko rin ‘yung translation. Kasi kami, hindi namin siya (Isko) kabisado. Sinabi niya, may libre raw na booking. Ang showbiz po, ito po ay isang hulmahan ng kilos ng isang artista, huwag na po tayong magmalinis, ‘wag na tayong mambato ng putik sa iba na parang tayo ay walang kadungis-dungis, alam naman natin ‘yan, ‘di ba?”
Sabi naman ni Rommel, “Kung sinabi po niya ito para lang pasayahin ang mga LGBT nu’ng gabing iyon, pangit!”
Hirit ni Morly na may mga anak na pawang mga lalaki ay, “Bilang isang magulang, hindi ko gagawin ‘yun! Puwedeng mangyari ‘yun, Ate Cristy, na ibinooking ang anak mo na hindi mo sinabing magpa-booking ka sa sarili niyang kagustuhan na wala kang alam, ‘di ba? Pero para ialok mo sa mga tao na libreng booking?”
“Nakakalungkot lang na nu’ng pumasok si Mayor Isko sa showbiz, ang tawag namin sa kanya ‘lalaking Nora Aunor.’
“Kasi ‘di ba, ang ganda-ganda ng kanyang istorya. Saan ka nakakita na namamatsoy ng basura mula umaga hanggang gabi kapag walang pera?
“Manok ang pinupulot nila sa mga food chain. Kapag may pera si Aling Chayong, ‘yung nanay niya, nakakabili sila ng isda saka karne.
“Bakit hindi tutulo ang luha mo o mawawasak ang puso mo sa isang tulad ni Mayor Isko Moreno na produkto ng basurahan?
“Hindi roon nahinto ang kanyang pangarap. Nag-aral siya, nag-artista siya, kumuha siya ng mga kursong may kinalaman sa kanyang pagiging pulitiko at nagsipag talaga siya kaya nakakatuwa,” pag-alaala ni Nanay Cristy.
Samantala, may payo ang isa sa mga tumulong kay Mayor Isko noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz para masulat sa limang magazine ng Mariposa Publications na si Morly.
Ani Morly, “Ako, bilang isa sa mga naging hagdan (pag-akyat ni Yorme) ay masaya ako sa kanyang kinalalagyan kasi hindi man niya pinapansin ‘yung nagawa ko na ako ang nagbukas ng kanyang kuwento sa tunay na kahirapan, at least, hindi ako nabigo na maiangat siya.”
Biniro ni ‘Nay Cristy si Morly dahil teary-eyed na pero itinanggi ito ng huli, “Hindi ako umiiyak, Ate Cristy, nagbabalik-tanaw lang ako.”
At dito na lumabas ang lahat ng mga hindi alam ng tao dahil isa-isa na itong ikinuwento ni Morly.
Panoorin ang Showbiz Now Na para malaman kung anong tulong ang nagawa sa kanya ng manunulat at isa sa host ng YT channel nila nina ‘Nay Cristy at Rommel.
Ang payo ni Nanay Cristy kay Mayor Isko, “Sana, managalog na lang, tutal masang Pilipino ang kanyang kinakausap. Pero ‘yung layo ng naabot, walang kuwestiyon.
“Kaya lang, lagi sana niyang tatandaan, ang paglundag ay unti-unti. Ang pagpapalipad ng saranggola, hindi muna matayog agad. Unti-unti ‘yan, level-level ‘yan, hanggang sa maabot mo.”
Comments