ni Eddie M. Paez, Jr. / GA - @Sports | May 18, 2022
Nanatili pa ring reyna si Pinay billiards icon Rubilen Amit sa 9-Ball Pool Singles sa rehiyon ng Southeast Asia.
Nasungkit ni Amit ang ika-2 niyang sunod na SEA Games gold medal sa women’s 9-ball nang talunin kahapon si Hui Ming Tan ng Singapore, 7-2, sa finals ng 31st Hanoi Games. Ito rin ang ika-5 niyang 9-Ball singles title sa biennial meet mula noong 2005, 2007, 2009, at 2019 edition ng games.
Iniangat din niya ang SEA Games medal collection sa 9 gold at 5 silver medals. Malakas ang naging simula ni Amit sa gold medal match sa 3-0 lead bagamat sinisikap makabalikwas ni Tan at pakabahin ang Pinay sa 2-0 counter para 2-3 deficit.
Pero inangkin ng defending champion ang 6th rack hanggang sa tapusin sa panalo ang laban at hindi na binigyan ng rack si Tan hanggang dulo.
Samantala, tumiyak ang PHL billiards team ng gold-silver finish sa men’s 9-Ball Pool Singles ng SEAG sa Vietnam sa nakatakdang paghaharap sa finals ng mga Pinoy na sina Carlo Biado at Johann Chua nang gapiin ang mga kasagupang Singaporean sa semifinals kahapon.
Nakaligtas si Biado kay Aloysius Yapp ng Singapore, 9-7, habang mas astig si Chua kontra Toh Lian Han, 9-3. Ang dalawang Pinoy ay nakabawi na mula sa kabiguan nina Dennis Orcollo at Warren Kiamco kontra Singaporeans din noong quarterfinals ng 9-Ball Pool sa 2019 edition sa Manila. Nakuha nina Yapp at Han ang bronze medals sa event noong 2019. Maghaharap sa Miyerkules sina Biado at Chua sa finals.
Gintong medalya pa rin ang puntirya ni 2019 International Billiards & Snooker Federation Men's Championships runner-up Jeffrey Roda dahil swak na siya sa championship round ng snooker event.
Unang naka-bronze ang tila rock star na alamat ng bilyar na si Efren 'Bata' Reyes dahil nakapasok na siya sa semis ng Carom event. Ang women's golf team ay may pag-asa pang makahirit ng tanso nang makapasok sila sa medal round.
Comentarios