top of page

Aminadong insecure sa hitsura… MAYMAY,GUSTONG MAGPARETOKE NG ILONG, PINIGILAN NG MADIR

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 5 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 12, 2025



Photo: Maymay Entrata - Instagram


Hirap na hirap at ang haba ng pasakalye ni Maymay Entrata bago inamin sa ginanap na Star Magic Spotlight mediacon kahapon sa Coffee Project sa tapat ng ABS-CBN compound na may mabigat siyang pinagdaraanan sa loob ng dalawang taon na.


Ayaw pa nga sanang aminin ni Maymay at i-share sa lahat kung bakit ‘di siya masyadong okay ngayon, pero napaamin din ng host ng mediacon na si DJ Jhai Ho na pareho palang may matinding sakit ang itinuturing niyang dalawang nanay.


Emosyonal at umiiyak niyang pag-amin, ‘yung totoong nanay niya na dating nasa Japan ay inuwi na niya sa Pilipinas dahil may cancer ito. Kaya raw pabalik-balik siya noon sa Japan ay dahil sa gamutan ng kanyang inang may cancer.


‘Yung isang itinuturing naman niyang ina (lola niya) na nagpalaki sa kanya at ngayon ay nasa Cagayan de Oro ay may kidney failure na raw at dina-dialysis.


Kaya ganu’n na lang kabigat ang dinadala ngayon ni Maymay, pero ayaw naman daw niyang kaawaan siya ng kanyang mga fans at ibang tao kaya hangga’t maaaari ay ayaw nga raw sana niyang ilabas.


Pero ngayong nasabi na nga niya, lumuwag naman daw ang kanyang dibdib at ang tanging hiling na lang niya sa kanyang mga fans ay prayers para sa kagalingan ng kanyang dalawang ina.


Samantala, tinanong namin ang reaksiyon ni Maymay ngayong puring-puri na siya ng marami dahil sa malaking transformation niya, hindi lang sa kanyang physical looks kundi pati sa kanyang pananamit kaya nga kahit sa mga fashion shows abroad ay napapansin ang kanyang pagrampa.


Aminado naman si Maymay na collaborative effort nila ‘yun ng mga humahawak sa kanyang career. Kaya nga very thankful siya sa Star Magic na laging sumusuporta sa kanya at malaki ang role sa kanyang pagle-level-up, lalo na sa kanyang hitsura.

Very open naman daw si Maymay sa mga advice sa kanya basta makakatulong sa kanyang looks at career.


Natanong namin siya kung na-consider ba niyang magpa-enhance ng anumang bahagi ng kanyang mukha at kung nagkaroon din ba siya ng mga insecurities dati?


Inamin niyang naisip niyang magparetoke ng ilong dahil gusto niyang tumangos ito.

Nagpaalam daw siya sa kanyang ina, pero ang sagot nito ay, “Subukan mo, ‘di na kita kikilalanin bilang anak,” kaya hindi na lang daw itinuloy ni Maymay at natutunan na lang niyang tanggapin kung anumang ibinigay sa kanya ng Diyos.


Ang ipinagpapasalamat ni Maymay, sa kabila ng mga pagsubok sa kanyang buhay ay hindi naman siya pinababayaan ni Lord.


Thankful nga rin siya na lagi pa ring nakasuporta sa kanya ang ABS-CBN at Star Magic at in fact, may bago rin siyang movie na ipapalabas sa Netflix, ang Happy Crush.


Sa ngayon, wala pa raw uli siyang love life after ng breakup nila ng huling boyfriend na foreigner. Mas gusto raw muna niyang mag-focus sa pag-aalaga sa kanyang dalawang inang maysakit at sa kanyang career.


Pero kung may darating na bagong lalaki sa buhay niya, ke foreigner o Pinoy man, ang gusto lang daw niya ay ‘yung mamahalin siya nang totoo at humble.


Well, 28 yrs. old pa lang naman si Maymay kaya marami pa siyang puwedeng gawin at hindi dapat magmadali. ‘Yung iba nga, past 30 na, wala pa ring boyfriend.


Naku, wa’ na mention kung sinu-sino sila at baka maimbiyerna pa ang mga fans nila, ‘no? Hahaha!


 

Hindi pa man natatapos ang matagumpay na TV5 primetime series ni Kiko Estrada na Lumuhod Ka sa Lupa, inanunsiyo na sa story conference sa TV5 Media Center ang follow-up project niya — ang pagganap ni Kiko sa iconic titular character na si “Totoy Bato.”


Ang istorya nito ay hango sa klasik na pelikula ni Da King Fernando Poe, Jr., na gawa ng legendary comics creator at film producer na si Carlo J. Caparas.


Matinding aksiyon at bakbakan ang aasahan ng mga manonood dahil ang karakter ni Kiko ang magsisilbing tagapagligtas ng Pook Paraiso gamit ang kanyang kamao.


Bilang “Totoy Bato,” makikipagmatigasan si Kiko laban sa mala-pader na makapangyarihang mga pamilya. Bigatin ang mga makakasama niya rito, mga batikan at ilan sa magagaling na aktor ngayon.


Kabilang sa mga bubuo ng Totoy Bato sina Bea Binene, Cindy Miranda at Diego Loyzaga, kasama sina Nonie Buencamino, Mon Confiado, Art Acuña, Mark Anthony Fernandez at ang beteranang aktres na si Ms. Eula Valdez.


May espesyal na partisipasyon naman sina Joko Diaz, Katya Santos, Kean Cipriano at Ms. Jackie Lou Blanco. Makakasama rin ni Kiko sina Andrew Muhlach, Billy Villeta, Ivan Padilla, Lester Llansang, Benz Sangalang, Gold Aceron, at ang anak ng creator ng Totoy Bato na si CJ Caparas.


Ipakikilala naman sina Lawrence Dela Cruz, Benedict Lao, Natania Guerrero, Jeremiah Cruz, Dwayne Bialoglovski at Stanley Abuloc. Sa direksiyon ni Albert S. Langitan, kasama sina Zyro Radoc at Ambo Gonzales, ang Totoy Bato ay produced ng MavenPro at Sari Sari Network Inc., sa produksiyon ng Studio Viva at malapit na malapit nang matunghayan sa TodoMax Primetime Singko ng TV5.


 

ISANG malaking hakbang ang ginawa ng Star Magic sa entertainment industry ng Pilipinas nang i-launch ang Star Magic School for the Creative & Performing Arts (SMSCPA), ang dating Star Magic Workshop, sa isang media conference last March 26.


Ginanap ito sa ABS-CBN Studio 3 na dinaluhan ng mga industry experts, media personalities at aspiring artists na gustong simulan ang kanilang creative journey. 

Kilala ang Star Magic bilang premier talent management at training hub sa bansa.


Nag-evolve rin ito bilang isang mas malawak na institusyon na huhubog sa mga performers sa iba't ibang larangan. 


Expanded na ang workshop curriculum na mula sa acting, singing, dancing, directing, at character building, kasama na ang master classes mula sa mga respetadong mentors sa industriya. 


Dumalo sa event sina Direk Laurenti Dyogi, Head of ABS-CBN TV Production, at Mr. Raymund Dizon, Business Unit Head ng Star Magic at ABS-CBN.


Kasama rin ang iba pang mentors tulad nina Mr. HB Benitez III (Star Magic SCPA Kids Acting Coach), Teacher Alecx Lorica at Teacher Marcel David (Meisner Acting para sa teens at adults), Meann Espinosa (SCPA Theater Acting Coach), Direk Jon Moll (ABS-CBN TV Director), at sina Mr. Kirby Balagtas, Mr. Dale Recina, at Mr. Troi Bautista mula sa You Me Us MNL. 


Present rin ang voice mentors na sina Teacher Julie Anne Reyes, at BGYO at BINI Coaches Anna Graham at Jerwin Nicomedes, pati na rin ang head choreographers ng BINI at BGYO na sina Coach Mickey Perz, Coach Reden Blanquera, Coach Matthew Almodovar, Coach Aennon Tabungar, at Coach Josh Junio. 


Sa tanong namin kung paano nananatiling relevant at impactful ang Star Magic talents, si Sir Raymund Dizon ang sumagot ng, "That's the advantage of having subject matter experts in the school, because they have different point of views na nai-instill sa ating mga star dreamers to keep them relevant."


Ibinahagi rin ni Coach Mickey Perz, "In social media, a lot of people have talent, but talent will always bring you to a certain level; now how do you nurture that? That's when you put skill into it." 


Dagdag pa niya, “The way you will nurture your talent is to get the right equipment… so you can always move on to what is current. You have to understand if you want to evolve, you have to humble yourself enough na you have to work hard for what you want to get." 


Sa mga graduates ng Star Magic Workshops, ibinahagi ni Coach HB Benitez ang ilan sa mga pinaka-memorable at ipinagmamalaki nila.


“‘Yung mga nanggaling sa workshop na talagang ipinagmalalaki namin, ‘yung talagang nag-excel sila sa napili nilang field… sa acting, it would be the likes of Joshua Garcia, Arjo Atayde, Alora Sasam for comedy, Dimples Romana, actually, ang dami nilang nag-start sa workshop, foundation muna nila ‘yung training bago sila sumikat." 


Well, nagbukas na ang onsite enrollment simula nu’ng March 29-30, 2025 at nagpatuloy nu’ng April 5-6, 2025 na may limited slots lamang. 


Para sa mga gustong mag-register, bisitahin ang forms.abs-cbn.com/starmagicscpa https://forms.abs-cbn.com/starmagicscpa.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page