top of page
Search
BULGAR

Ambulansyang rumaraket na pampasaherong van, sampulan

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 14, 2024


Katapusan na ng mga lehitimong ambulansya na rumaraket bilang pampasaherong van dahil nabuko na ang kanilang ilegal na sistema at tutugisin na sila ng pinagsanib na puwersa ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Health (DOH) upang mahuli ang mga kolorum na ambulansya.


Ang hakbang ng LTO ay bunsod ng reklamo na may mga ambulansya umano ang ginagamit na pampasaherong van at dumaraan pa sa EDSA busway para makaiwas sa trapik.


Balak ng kagawaran na mag-isyu ng QR code sa mga lehitimong ambulansya upang madaling maispatan ng mga enforcer kung lehitimo o kolorum ang ambulansya.


Sinabi ni LTO Director for Law Enforcement Service Francis Ray Almora sa isang forum na maraming ambulansya ang lumalabag sa rules and regulations ng ahensya.


Ang ambulansya umano ay dapat na asul lang ang ilaw habang ang pula, puti at asul na ilaw ay para sa mga alagad ng batas. May mga ambulansya na gumagamit umano ng pula, puti at asul na blinker.


Kahit na walang sakay na pasyente, gumagamit pa rin ng blinker ang maraming ambulansya at kapag nasita naman ay ikakatuwiran na susunduin pa lamang ang pasyente.


Ipinagtapat mismo ni Department of Transportation Command and Control Operation Center (DOTr-COCC) Chief Charlie Del Rosario, na may mga nahuli na silang ambulansya na ginawang pampasaherong van.


Napag-alaman na may ilang ambulansya umanong nasakote na imbes na medical equipment ang karga ay mga pasahero mula sa kung saan-saang terminal at dinadala sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.


Mas pinipili na umano ng mga pasahero ang pagsakay sa ambulansya dahil walang trapik at pareho rin ang pamasahe sa mga ordinaryong van.


Mabuti nga at hanggang maaga ay nadiskubre na ang raket na ito ng mga driver ng ambulansya dahil hangga’t hindi ito natitigil ay maraming kababayan natin ang malalagay sa peligro dahil sa walang ambulansyang magamit.


Karamihan sa mga driver na nagmamaneho ng ambulansya ay mga empleyado ng gobyerno, kaya marapat lamang na patawan sila ng karampatang kaparusahan upang hindi na pamarisan.


Kakaiba ang anomalyang ito, marahil ay matagal na itong nangyayari dahil sa alam na ng mga pasahero kung anong ambulansya ang kanilang aabangan para sakyan.


Maraming anomalya ang nauuso dahil gaya-gaya lang, pero ang gawing pampasaherong van ang ambulansya ay kitang-kita kung paano mag-isip ang ilan sa ating mga kababayan pagdating sa kalokohan. 


At kung walang nahuling ambulansya na puno ng sakay na pasahero ay hindi pa ito madidiskubre, na ibig sabihin sumusuweldo na ang driver ng ambulansya ay may karagdagang kita pa sa pamamasada.


Ang masaklap, kapag nasira ang ambulansya ay ang ospital o ang gobyerno pa ang nagbabayad pero iba ang nakikinabang.


Sabagay, panahon na para maghigpit sa mga ambulansya dahil marami na ring insidente na ginagamit sa pagbibiyahe ng illegal drugs tulad ng nasakote sa lalawigan ng Rizal na milyun-milyong piso ang nasabat na droga at minamaneho pa ng government official.


May mga ambulansya rin na ginagamit sa pagnanakaw ng motorcycle na binubuhat kahit naka-lock pa ang motorsiklo at isinasakay lang sa ambulansya para mabilis na makatakas.


Pero sa tingin ko ay pinakamalala na itong gawing pampasaherong van ang isang ambulansya at hindi natin alam kung gaano na katagal ang istilong ito — mabuti at nadiskubre na.


Sa mga kababayan nating pasahero, sana naman ay huwag na nating tangkilikin ang mga namamasadang ambulansya dahil kinukunsinte lang natin ang kanilang kalokohan.


Isa-isantabi na muna natin ang pansariling kapakanan na mas mabilis ang biyahe ng ambulansya kumpara sa jeepney at van dahil kapalit nito ay ang serbisyong dapat para sa nagmamadaling maysakit na maisalba ang buhay.


Dumarami na ang mga kaso na kinasasangkutan ng ambulansya, marahil ay panahon na para baguhin ang hitsura ng ambulansya — baka puwedeng gawing transparent o kita ang loob mula sa labas para hindi na maabuso sa kalokohan.


Kaya good luck sa LTO at DOH! Sana ay makahuli agad kayo ng mga pasaway na ambulansya para masampahan agad ng kaso o kaya ay maalisan ng lisensya ang driver.

Ibang klase talaga, ambulansya, ginagawang pamasada — only in the Philippines! Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis.


Sa mga manufacturer, baka puwede kayong maglabas ng bagong disenyo ng ambulansya na kitang-kita ang loob para maibsan na rin ang masamang tingin sa ambulansya na minsan ay lehitimo naman ang pagmamadali pero iba ang iniisip ng ilan sa ating kababayan.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page