Ambulansya, dapat sapat sa pangangailangan ng bawat LGU
- BULGAR
- 14 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 24, 2025

Isa sa mga mahahalagang bagay na kinakailangan para sa agarang pagdadala ng mga pasyente, lalo na sa mga nag-aagaw-buhay, ay ang pagkakaroon nila ng maayos na masasakyan patungo sa mga pagamutan.
Kaya tinatarget na ng administrasyong Marcos na makapagbigay ng patient transport vehicles (PTVs) sa bawat local government unit (LGU) sa buong bansa upang may maaasahang transportasyon para sa mga pasyenteng isusugod sa mga ospital.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Cagayan de Oro City ay nakapamahagi na ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng 567 na PTVs, habang 985 units pa ang planong i-distribute bago matapos ang taong ito sa lahat ng LGUs.
Kapag natapos ang distribusyon, inaasahang lahat ng 1,493 LGUs sa buong Pilipinas ay magkakaroon na ng tig-isang sariling PTV, habang may ilan din na mabibigyan ng tig-dalawang unit.
Pinaalalahanan naman ang mga LGU na dapat alagaan at ingatan ang mga ibibigay na PTVs para marami ang maserbisyuhan ng mga sasakyan.
Ang naturang programa ay sa ilalim ng medical transport vehicle donation program ng PCSO na bahagi ng kanilang adhikain na palakasin ang access ng mga mamamayan para sa de-kalidad na serbisyong medikal, lalo na sa mga lugar na malalayo at kulang sa pasilidad.
Mainam talaga na bawat lokal na pamahalaan ay mayroong ganitong klase ng transportasyon na malaking tulong sa pagsagip ng buhay sa mga kababayan.
Maituturing na rin natin itong ambulansya na magdadala sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang lunas sa mga ospital.
Kung ating susuriin, marami ang namamatay sa atin lalo na ang mga naaksidente sa lansangan, kung saan oras ang hinahabol ay hindi agad naisusugod sa mga pagamutan dahil walang masasakyan. Kumbaga, huli na bago pa dumating ang mga rescue vehicle na ito.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay makapagpamahagi na sila ngayon sa bawat LGU ng mas maraming PTVs nang sa gayon ay marami ring mailigtas na mga pasyente.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários