top of page
Search
BULGAR

Ama ng COVID-19 vaccinee, tutol sa pagbabakuna sa mga bata dahil sa sinapit ng 17-anyos na anak

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 4, 2022



Walang hindi gagawin ang mga magulang para sa kanilang pamilya, matustusan lamang ang mga pangangailangan at iba pang kaya nilang ibigay sa kanilang mga mahal sa buhay. Ganito rin ang damdamin ni G. Joel Fernandez Corpuz ng Cainta, Rizal. Sa nagaganap na pagbabakuna ng pamahalaan katuwang ang Department of Health (DOH) sa ilalim ng Emergency Use Authorization (EUA) sa mamamayan na nakatakdang bigyan ng bakuna kontra COVID-19, ani G. Corpuz, “Tama nang ako ang nabakunahan sapagkat kailangan ko ‘yun sa aking trabaho bilang barbero. Subalit sa mga anak ko, ayaw ko muna hanggang mayroon na sanang masusing pag-aaral.”


Ang tinutukoy niyang mga anak ay sina Joyce Ann, 17, at Lesley Jane, 8. Bagama’t may pag-aalala at hindi maluwag sa dibdib ni G. Corpuz na mabakunahan si Joyce Ann, pinayagan niya ito at sinamahang magpabakuna. Si Joyce Ann ay nagparehistro para mabakunahan laban sa COVID-19, sapagkat aniya, palagi siyang hinihingan ng vaccine card tuwing siya ay nagtutungo sa eskuwelahan kung mayroon siyang kinakailangang kunin at siya ay nasa Senior High na. Kaya naman, si Joyce Ann ay naturukan ng bakunang Pfizer noong Pebrero 7, 2022. Ani ni G. Corpuz,


“Noong araw matapos siyang mabakunahan, napansin naming wala siya sa sarili at kung ano-ano ang sinasabi niya. Hindi rin siya makatulog at nag-iba talaga ang mga pagkilos niya at lubha kaming nabahala. Dahil sa mga napansin naming kakaiba sa kanya, kinunan siya ng video ng kanyang tiyuhin. Makikitang nagwawala siya at talagang wala na siya sa sarili.”


Nag-viral ang nasabing video, ngunit nalulungkot si G. Corpuz dahil aniya, wala man lang lumapit sa kanila mula sa DOH. Itinuturing niyang pagsunod sa regulasyon ng gobyerno ang naganap na pagbabakuna sa kanyang anak pero aniya, “Ang kalusugan ni Joyce Ann ay napasama na. Mula sa isang malusog na bata ay nagkaroon ng malubhang karamdaman.”


Dahil dito, dinala nila si Joyce Ann sa isang ospital sa Antipolo City. Ayon sa written diagnosis, nagkaroon siya ng “Acute Encephalopathy prob secondary to (1) post vaccine, (2) viral, (3) metabolic, (4) sleep deprivation.” Ni-refer sila sa isang ospital sa Quezon City para sa karagdagang pagsusuri, ngunit hindi na sila nagtungo ru’n dahil aniya, “Natatakot kami na baka kung ano na naman ang maiturok sa kanya ‘pag dinala namin siya ru’n.”


Ang nabanggit na viral video ni Joyce Ann ang nagsilbing tulay nila sa PAO. Ayon kay G. Corpuz, “May mga nakapanood ng nasabing video at sinabihan akong humingi ng tulong sa PAO dahil sila ang tumulong sa mga nagsampa ng kaso para ipatigil ang pagtuturok sa mga batang edad 5 hanggang 11.”


Sinabi niya na, “Nanghingi kami ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para sa kaso ni Joyce Ann at isa ko pang anak na si Lesley Jane, na kasama na sa 5-11 year-olds na susunod na babakunahan.” Bilang tugon ng aming tanggapan, pinuntahan ng mga doktor ng PAO si Joyce Ann sa bahay at siya ay kinausap at sinuri. Binigyan din siya ng mga gamot. Sa kaso ni Lesley Jane, tinulungan sila ng PAO na makapaghain ng petisyon sa husgado para mapatigil ang kanilang pagtuturok sa mga batang edad 5 hanggang 11. Emosyonal na ipinahayag ni G. Corpuz ang sumusunod, “Hiniling ko kay Chief Acosta na tulungan akong mapigilan ang pagbabakuna kay Lesley Jane. Ayaw kong maging eksperimento muli ang katawan ng isa ko pang anak. Hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kung mangyari kay Lesley Jane ang nangyari kay Joyce Ann.”


Sa nangyaring pagbabakuna kay Joyce Ann, may pamilyar kaming narinig na mga salita at damdamin mula kay G. Corpuz. Tila alingawngaw mula sa mga palahaw at hinanakit ng mga magulang ng mga biktima sa Dengvaxia cases ang aming napakikinggan.


Ayon sa kanyang Judicial Affidavit, nais niyang iparating sa DOH na ipatigil muna ang pagtuturok sa mga bata. Aniya, “Masyado pa silang bata para labanan ang maaaring masamang epekto ng bakuna tulad ng nangyari sa aking anak. Hindi ligtas ang bakunang itinuturok nila.”


Hindi umano niya hahayaan na maranasan ng nakababatang anak ang sinapit ng Ate Joyce Ann niya. Ngayon na nagkaroon ng masamang epekto sa kalusugan nito ang bakunang Pfizer, hinahanap niya ang kalinga ng mga awtoridad. Aniya, “Wala man lang taga-DOH na nagpaabot ng tulong sa akin. Nasaan ‘yung pagkalinga nila sa kalusugan ng mga Pilipino? Wala silang pakialam kung hindi ang magturok nang magturok.” Kay dilim na hinaharap ang tila naaaninag ni G. Corpuz. Aniya, “Isa lamang akong barbero, ano ang ipantutustos ko sa sakit ng aking anak? Malusog siyang bata bago maturukan. Napilitan lamang siyang magpabakuna dahil kailangan ito sa kanyang paaralan. Sa kagustuhan niyang makapag-aral nang face-to-face at hindi siya pagbawalang pumasok sa paaralan, pinili niyang magpabakuna. Subalit kung hindi bubuti ang kalagayan niya, paano siya makakapag-aral? Ano ang silbi ng pagpili niyang mabakunahan para makapasok sa paaralan?”


Muling tinatanggap ng inyong lingkod at mga kasama kong mga manananggol at doktor ng PAO ang panibagong hamon ng mga kasong idinudulog ngayon ng mga tulad ni G. Corpuz sa aming tanggapan. Sa ngalan ng katarungan at lubos na pagmamalasakit sa mga anak ng Inang Bayan, wala kaming uurungan!


Muli kaming maninindigan para tulungan ang mga magulang na walang ibang hangad kundi mabigyan ng proteksiyon ang kanilang mga anak laban sa lahat ng balakid sa kanilang kalusugan.


Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page