ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 18, 2020
Karapatan ng mga empleyado na makapagtrabaho nang may dangal. Ang karangalang ito ay tinatanggal sa forensic doctors at kasama nilang mga kawani ng Public Attorney’s Office Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) na ginigipit ang suweldo at benepisyo ng isang senador sa tulong ng kapwa niya senador na tinalakay natin sa nakaraang artikulo. Bukod sa suweldo ay tinatanggalan sila ng karapatan na legal na makinabang sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na legal ding nakalaan sa aming buong tanggapan. Sila ay mga permanente at regular na empleyado ng PAO, ngunit dahil tinanggalan ng karapatan sa MOOE ang PAO-FLD, ang epekto nito ay ang pag-alis sa kanila ng karapatan sa basic na pangangailangan ng mga empleyado tulad ng ilaw, tubig, mesa, papel, ballpen at tulad na kagamitan sa opisina. At dahil tinatanggalan sila ng suweldo at karapatan na legal na makinabang sa MOOE na nasa budget na ng PAO para sa pagpapatakbo at pagsagot sa pang-araw-araw na pangangailangan, masasabing tinatanggalan talaga sila ng trabaho sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan na kung tawagin ay constructive dismissal.
Ang nasabing mga empleyado ay tao, hindi sila mga daga. Maging ang daga ay nangangailangan ng lungga, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Panahon ngayon hindi lamang ng malalakas na ulan kundi ng pandemya na naglagay ng mga buhay natin sa balag ng alanganin. Sa panahong walang kasiguruhan ay tila sinisiguro naman ng naturang dalawang senador na mawalan ang nasabing mga kawani ng PAO-FLD ng hanapbuhay. Hindi ba ito ay sukdulang panggigipit at kawalan ng paggalang sa batas, na sa pagkakataong ito ay nagbibigay-proteksiyon sa aming mga ipinaglalabang empleyado at kliyente? Kung tatanggapin natin na "duplication" lang ang PAO ng NBI at SOCO, ano ang CHR na may forensics and medico-legal services na may budget na P320-M ngayong tayong 2020? Bakit PAO lang na may specialized forensic laboratory ang ipinasasara sa pamamagitan ng pagbabawal na magpasuweldo at magpagamit ng office supplies? Ang SOCO ay para sa mga krimen— patayan, barilan etc.
Ang PAO Forensic Laboratory ay para sa mga kasong hawak ng PAO at kliyente nito mapa-kasong civil o criminal man. Ang NBI at SOCO ay para sa prosecution. Ang CHR ay para sa mga kasong laban sa militar at pulis. May kani-kanyang mandato ang PAO, NBI, PNP-SOCO at CHR sang-ayon sa R.A. No. 9745 o Anti-Torture Act.
Sa araw na isinusulat ang artikulong ito, patuloy ang aming mga legal na aksiyon para sa kinakaharap naming pagsubok na naipahayag sa itaas. Hindi kami maaaring tumigil dahil makatwiran at makatarungan ang aming ipinaglalaban tulad ng aming laban para sa kaso ni Julius Kenneth Baquiran.
Si Julius ay 16-anyos nang namatay noong Marso 29, 2018. Siya ang ika-45 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan noong Hunyo 23, 2016.
Noong Hunyo 2017 at Marso 26, 2018, narito ang ilan sa mga naramdaman ni Julius: Hinimatay siya sa bahay at sinabayan ng panginginig. Ang lagnat niya ay pabalik-balik, naging biglang mainitin ang ulo niya, naging sakitin at nakaranas ng pananakit ng ulo. Noong Marso 27, 28 at 29, 2018 ay patuloy na lumubha ang kalagayan ni Julius, at ito ay humantong sa maaga niyang pagpanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:
Marso 27, 2018 - Isinugod siya sa isang ospital sa Laguna. Hindi nawala ang kanyang mga idinadaing na pananakit ng katawan, hirap sa paghinga at minsan ay isinisigaw na lang niya ito.
Marso 28, 2018 - Inilipat si Julius sa mas malaking ospital sa Laguna. Siya ay agad na dinala sa emergency room at idiniretso sa ICU. Lumubha ang kanyang kalagayan, dumami ang kanyang rashes sa katawan, lalong namaga ang kanyang mga paa at labi. Labis din ang pananakit ng kanyang katawan at nagpabalik-balik ang kanyang lagnat. Kinagabihan, in-intubate si Julius dahil siya ay hirap nang huminga. Lalong lumala ang kanyang kalagayan at siya ay nagwawala habang kinakabitan ng tubo, kaya tinalian siya sa mga kamay at hinawakan sa mga paa.
Marso 29, 2018 - Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, nag-umpisang mag-agaw-buhay si Julius. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, ngunit sa kasamaang-palad, siya ay binawian ng buhay.
Sa pagkamatay ni Julius, narito ang pahayag ng kanyang ama na si G. Francis Baquiran:
“Dahil hindi ko pa alam kung siya ba ay nabakunahan ng Dengvaxia, tiningnan ng mga tauhan ng nasabing hospital ang kanilang database at nakumpirma na si Julius ay nabakunahan ng Dengvaxia. Ako ay pinayuhan ng mga doktor na i-autopsy ang aking anak. Ipinaliwanag muna sa akin na wala silang kukuning organ kay Julius, maliban sa tissues na kailangan nilang pag-aralan. May team daw silang kasama sa pag-autopsy sa aking anak pati na rin ang SOCO.
“Sobrang masama ang loob ko sa ginawa ng mga doktor doon at Department of Health na nagsabi sa akin na ipa-autopsy ko ang aking anak. Kami ay pumayag para malaman kung ano ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay. May pinirmahan akong dokumento na nagbibigay-pahintulot na bigyang awtoridad ang isang tao na maging saksi sa gagawing autopsy dahil ako ay lutang na noon. Laking-gulat namin na hindi na pinapasok ang saksi kung saan isinagawa ang autopsy. Hindi rin kami pinakitaan ng kahit anong ebidensiya sa isinagawang autopsy.
Dahil pakiramdam kong napagsamantalahan nila ang aking kalituhan ay nagkaroon ako ng pagdududa sa resulta at sa isinagawang autopsy sa mga labi ni Julius ay nagpasya akong humingi ng tulong sa PAO upang isailalim sa Forensic Examination ang kanyang mga labi at para malaman kung ano ang ginawa ng mga doktor ng DOH na unang nag-autopsy. Humingi rin ako ng tulong na legal para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking anak.”
Ang mga sinabi ni G. Baquiran ay malakas na tinig na nagbibigay-linaw sa matinding pangangailangan ng mga maralita sa PAO-FLD — na may kakayahan sa pagbibigay ng libre at epektibong forensic services, at patuloy nilang kasama para sa katotohanan at katarungan.
Comments