ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 02, 2021
Tinumbok ni Elijah Alvarez ang pinakamalaking tira niya sa pandaigdigang entablado sa larangan ng bilyar nang makapasok ang binatilyong Pinoy sa semifinals ng Arcadia Virtual Ghost (VG) Battle of the Sexes Billiards Tournament na ginaganap online.
Kilala sa taguring “Wonderboy” sa pool circle, nakalusot sa matinding hamon mula sa pangatlong grupo ng qualifying stage si Alvarez kaya ito humakbang sa knockout rounds. Sa grupong nabanggit, nakasama niyang nag-ambisyon sina Yuli Hiraguchi ng Japan, Polish ace Konrad Juszczyszyn at ang pambato ng Czech Republic na si Yvonne Ullman Hybler. Pero hindi tinakasan ng tikas si Alvarez at nakuha pang daigin si Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament champion Juszczyszyn kaya nakausap ito sa susunod na yugto. Naging kinatawan sa knockout rounds ng grupo sina Alvarez at Hiraguchi.
Sa knockout rounds, nakakuha ng bye si Alvarez bilang insentibo sa pagiging 2nd placer ng qualifiers kaya naghintay lang siya ng makakatunggaling manggagaling sa Round-of-16.
Sa quarterfinals, itinakda ang paghaharap nina Alvarez at Margaret Fefilova. Ang huli ay napasok sa final 8 ng kompetisyon matapos daigin si Hiraguchi. Pumabor ang pagkakataon para sa Pinoy nang ideklarang winner by forfeiture si Alvarez laban kay Fefilova.
Haharapin ni “Wonderboy” ang Amerikanong si Tyler Styler sa semifinals. Si Pia Filler ng Germany ang ginawang tuntungan ni Styler patungo sa huling apat na bilyarista.
Isa pang Pinoy, si Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament runner-up Aivhan Maluto, nakabase sa United Arab Emirates, ang sumabak din sa kompetisyon at nakaabot sa “isang talo, uwi na” na bahagi ng paligsahan pero hindi na nakaahon sa gitgitang nangyari sa Round-of-16.
Dahil sa pagiging semifinalist, sigurado nang magbubulsa si Alvarez ng pabuyang $1,200 ngunit tiyak na sasargo pa ito nang husto para makapasok sa championship round at tuluyang makagawa ng marka sa world stage.
Comments