ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 3, 2020
Bilang may akda at sponsor ng Senate Bill No. 1365 o ang Alternative Learning System o ALS Act, isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalakas at pagpapalawig sa ALS upang maabot ang mga mag-aaral na nanganganib na hindi maipagpatuloy ang kanilang edukasyon ngayong taon dahil sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Ang ALS ay programa ng Department of Education (DepEd) na layong bigyan ng pangalawang pagkakataon na makapag-aral ang mga bata at maging ang mga nakatatanda na huminto at hindi nakatapos ng kanilang pag-aaral dala ng iba’t ibang kadahilanan.
Ayon sa datos ng DepEd noong nakaraang buwan, 361,398 ALS enrollees lamang ang nagpatala sa programa para sa darating na pasukan. Katumbas nito ang 49 porsiyento lamang ng 738,929 na nagpatala sa programa noong nakaraang taon.
Ayon pa sa pinakahuling pag-aaral ng World Bank, nasa 24 milyong Pilipino na may edad 15 pataas ang hindi nakatapos ng high school.
Sa ating panukala, sisiguruhin ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay mayroong ALS Community Learning Center para masigurong ang programa ay aabot sa lahat ng hindi pa nakapagtapos ng kanilang pag-aaral at nais ipagpatuloy ito. Ang ganitong mekanismo ang sasalo sa mga hindi makakapag-aral, kaya naman mahalagang sila ay lubos nating mahikayat.
Ngayon ay pasado na sa Senado at Kamara ang kani-kanilang bersiyon ng panukala sa programang ALS. Magkakaroon ng bicameral conference committee na bubuo ng huling bersiyon ng panukalang-batas bago ito maiakyat sa Pangulo para pirmahan at maging ganap nang batas.
Bilang bahagi ng pagbangon ng ating sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng pandemya, umaasa tayong mas marami pa ang mabibigyan ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon hanggang sa sila ay matagumpay na makapagtapos na ng pag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários