top of page
Search
BULGAR

All-stars sa PCAP, uusad, Reinforced Cup sa Mayo

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 21, 2021




Magiging abala na naman ang Professional Chess Association of the Philippines o PCAP ngayong Mayo dahil sa pag-usad ng All-Stars Games at ng Reinforced Conference na binansagan ding Wesley So Cup ng mga tagapangasiwa.

Sa All-Stars event ng pinakaunang professional chess league sa bahaging ito ng daigdig, magsasalpukan sa Mayo 2 ang koponan ng North at ng South. Ang komposisyon ay nakabase sa resulta ng botohan ng mga tagasubaybay, coach at manlalaro.

Tatampukan ng dayuhang chessers ang kada koponan sa PCAP Second Conference na itinataguyod ni dating Philippine chess king at ngayong ay Super GM Wesley So. And tubong Cavite na World Random Fischer Chess champion ay naglaan ng mga gantimpala para sa mga magpo-podium.

Samantala, sinorpresa ni Kim Kenneth Santos ang mga karibal tungo sa paghablot ng titulo sa pangunahing kategorya ng kalalakihan samantalang dinomina ni Ruelle Canino tulad ng inaasahan ang katulad na pangkat para sa mga dalagita upang pangunahan ang mga nagmarka sa National Age Group Chess Championship - Visayas Leg.

Kulelat sa pre-tournament ranking bukod pa sa pagiging unrated pero pinangunahan ni Santos ang mga performers sa Under - 20 Boys dala ang 5.5 puntos mula sa 7 rounds. Kasama sa mga sinilat niya sina 4th seed Wayne Ruiz sa panlimang yugto at si 10th ranked Jerico Santiaguel na hinatak nito sa isang hatian ng puntos.

Pumangalawa kay Santos si no. 5 Jave Mareck Peteros (5.0 puntos; tiebreak: 27.0) habang pumangatlo si no.1 Clyde Saraos (5.0 puntos; tiebreak: 25.5) sa bakbakang online chess. Hindi pinalad na makapasok sa podium kahit na may limang puntos din sina 18th seed Gene Kenneth Estrallado at no. 2 bet Jasper Faeldonia kaya 4th at 5th lang sila ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa kabilang dako, kumamada si Canino ng 4.5 puntos pagkatapos ng 5 rounds para itala ang runaway na tagumpay sa Under-20 Girls Division. Dalawang buong puntos ang agwat ng dalagita mula sa pinakamalapit na karibal.

Kasama rin sa listahan ng mga nagwagi sa kani-kanyang grupo sina Carl Daluz (Under 18 Boys); Christine Faith Tabungar (Under 18 Girls); Fletch Archer Arado (Under 16 Boys); Ruth Jamelin Lim ( Under 16 Girls) at iba pa.

0 comments

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page