top of page
Search
BULGAR

All-out support dapat sa MATATAG K-10 Curriculum

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 1, 2024

Bahagi ng motibasyon ng inyong lingkod sa patuloy na pagsusulong ng mga panukala saSenado kaugnay sa edukasyon ay ang pagkamit ng mga layunin ng MATATAG Agenda ng Department of Education (DepEd). 


Napapanahon itong paglikha ng MATATAG K to 10 curriculum para maiangat ang performance ng mga mag-aaral.


Ang naturang programa ay produkto ng dalawang taon ng pagtuklas at pagsisiyasat sa mga kasalukuyang pangangailangan ng mga mag-aaral at mga pagsubok sa kanilang pag-aaral.


Sa pamamagitan nito, mababawasan na ang mga required competency sa 3,600 mula sa bilang na 11,000, at binibigyang diin ang basic competencies tulad ng literacy at numeracy. 


Kailangan nating maunawaan na ang tagumpay ng bawat mag-aaral ay nakasalalay sa kanilang nakukuhang edukasyon. Kaya naman upang makamit ito, mahalagang maipatupad nang maayos ang programa at maging handa ang ating mga guro para sa pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum para sa School Year 2024-2025.


Sa ilalim ng 2024 national budget, may P777.5 milyon na inilaan para sa in-service training ng mga guro, kabilang na ang training ng K to 10 teachers.  


Kaugnay nito, isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 4670) na layong bawasan ang oras ng pagtuturo mula anim pababa sa apat. Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang pagbibigay ng non-teaching tasks sa mga guro at imamandato ang calamity leave, educational benefits, longevity pay, at special hardship allowance batay sa itatalagang mga pamantayan. 


Kaugnay naman sa pagpapatupad ng mga programa para sa learning recovery, tulad ng Catch-Up Fridays, isinusulong din natin ang pagsasabatas ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) upang magkaroon ng pambansang programa sa learning recovery na tutugunan ang pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic. 


Pagdating naman sa kahandaan ng mga senior high school graduate sa trabaho, inihain natin ang panukalang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na layong paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, academe, at mga katuwang sa private sector. Dito natin matitiyak na handa ang mga senior high school graduate para sa kolehiyo, middle-skills development, employment, at pagnenegosyo. 


Sa kabila ng patuloy nating pagharap sa mga hamong may kinalaman sa kalidad ng edukasyon sa bansa, huwag tayong panghihinaan ng loob. 


Sa aking tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kabilang na ang kolaborasyon at pakikipagtulungan sa DepEd, nananatili tayong determinado na maaabot natin ang mga layunin ng MATATAG agenda, maitataguyod ang kapakanan ng ating mga guro, at matitiyak na walang batang mapag-iiwanan. 

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page