ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 7, 2024
ISSUE #335
Sadyang hindi natin alam kung kailan magwawakas ang buhay natin sa mundong ito. Gayunman, hindi pa rin ito sumasagi sa ating isipan dahil abala tayo sa paggawa ng ating gawain.
Sa ating isipan ay meron pa namang bukas na naghihintay sa atin. Subalit, paano kung ito ay huli na pala? Sa iyong gawain o araw, may babaguhin ka ba?Ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi ngayon ay hindi nabigyan ng pagkakataon na isipin pa ang mga iyon.
Maagang binawi ang kanyang buhay dahil lamang sa tila hindi maayos na pagkakaintindihan. Samahan ninyo kami na tunghayan ang kasong People of the Philippines vs. Roberto Potot y Loberio, Jeffrey Lipata y Potot and Christian Ponce y Potot (CA-G.R. CR No. 04680, August 27, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bautista G. Corpin Jr.
Nawa ay kapulutan ito ng aral ng bawat isa sa ating mga mambabasa, na ang init ng ulo o alitan kailanma’y hindi dapat pinapairal. Pang-unawa ay napakahalaga sapagkat maaaring buhay ang kapalit kung ang hindi pagkakaunawaan ay sumidhi.
Ang biktima sa kasong ito ay si Alex na binawian ng buhay dahil sa saksak na kanyang natamo, habang si Roberto naman ang napagbintangan na pumaslang sa kanya at sinampahan ng kasong murder sa Regional Trial Court (RTC) ng Laoang, Northern Samar, noong ika-1 ng Disyembre 2014.
Ika-28 ng Mayo 2015, isinumite sa hukuman ang inamyendahan na paratang na kung saan isinama bilang mga kapwa-akusado sa pamamaslang sina Jeffrey at Christian. Pakikipagsabwatan diumano kay Roberto ang naging alegasyon laban kina Jeffrey at Christian upang maisakatuparan ang pagkitil sa buhay ni Alex.
Gayunman, “not guilty” naman ang naging pagsamo ng mga inakusahan sa hukuman.Batay sa testimonya ng mga saksi ng tagausig na sina Rona at Maria, bandang alas-6:00 ng gabi, noong ika-27 ng Nobyembre 2014, sila ay nasa barangay auditorium ng Pangpang, Palapag, Northern Samar.
Meron diumanong mga mag-aaral na nagsasanay du’n para sa pagdiriwang ng buwan ng Ingles. Naroon din umano ang biktima na si Alex, nang bigla umanong dumating sa nasabing lugar sina Roberto, Jeffrey at Christian, sila ay nasa ilalim diumano ng impluwensiya ng alak at nanggugulo sa mga nagsasanay. Nang marating ng tatlo ang bahagi kung saan nagsasanay ang mga mag-aaral na nasa third at fourth year high school, sinabihan diumano sila nila Alex at James na itigil na ang panggugulo. Nakipagkamay diumano si Roberto kay James at sabay alis nina James at Alex.
Subalit sinundan diumano nina Roberto, Jeffrey at Christian sina James at Alex at nangyari na nga ang kaguluhan. Sinuntok diumano ni Roberto si Alex, dahilan upang gumanti umano si Alex ng suntok. Hinawakan diumano nina Jeffrey at Christian si Alex at nagpunta umano si Roberto sa bandang likuran ni Alex at sinaksak ito ng kutsilyo. Nagawa umano na makapiglas ni Alex at tumakbo palabas ng auditorium.
Nagpulasan din umano ng takbo sina Roberto, Jeffrey at Christian.Sa hukuman ay kinilala nina Rona at Maria ang tatlo na siyang mga nanakit kay Alex.Ayon kay Dr. Alice, saksi para sa tagausig, hypovolemic shock secondary to stab wound ang sanhi ng pagpanaw ni Alex.Batay naman sa testimonya ni Roberto, nagkita-kita sila nina Jeffrey at Christian upang maglaro ng basketball. Pagdating nila sa auditorium ay nakita nila na merong mga mag-aaral na noon ay nagsasanay ng sayaw. Nang bigla umanong umulan ay nag-alisan ang mga mag-aaral ngunit patuloy pa ring naglaro sina Roberto, Jeffrey at Christian.
Nagpunta umano sa kanang bahagi ng auditorium sina Roberto at Christian, habang si Jeffrey ay nagpunta sa kaliwang bahagi. Nagsindi umano ng sigarilyo sina Roberto at Christian na ikinagalit ng mga mag-aaral, isa na rito si Bembem na bigla umanong umalis.
Sinubukan umanong habulin ni Roberto si Bembem upang humingi ng paumanhin. Subalit, nang ilagay ni Roberto ang kanyang kamay sa balikat ni Bembem ay hinawakan siya ni Alex at hinamon ng suntukan.
Sinundan ito ng biglang pagsuntok ni Alex kay Roberto na naging sanhi upang bumagsak ito. Higit na malaking tao umano si Alex, kung kaya’t nang subukan diumano ni Alex na suntukin muli si Roberto ay naglabas na ang ito ng kutsilyo at kanyang sinaksak si Alex sa tagiliran. Hinawakan umano ni Alex ang tinamong sugat at tumakbo palabas ng auditorium. Agad umanong tumayo si Roberto at tumakbo palabas.
Nang makita umano ni Roberto si Jeffrey ay nagpasama siya para sumuko kay Barangay Captain Ponce. Kalaunan ay itinurn-over si Roberto sa istasyon ng pulis at siya ay ikinulong.
Batay naman sa testimonya nina Jeffrey at Christian, kasama nila na nagtungo sa auditorium si Roberto upang maglaro ng basketball. Nang bumuhos ang ulan, agad na nag-alisan ang mga mag-aaral ngunit itinuloy pa rin nilang tatlo ang paglalaro. Pagtila umano ng ulan ay muling nagbalikan ang mga mag-aaral sa kanilang pagsasanay.
Nagpunta umano sina Roberto at Christian sa kanang bahagi ng auditorium, habang si Jeffrey ay nagpunta sa kaliwang bahagi. Nagsindi umano si Christian ng sigarilyo ngunit pinatay rin niya ito matapos siyang sabihan ng isang mag-aaral na patayin ito. Nakita na lamang diumano ni Christian na palabas na ng gate si Roberto.
Inilagay diumano ni Roberto ang kamay nito sa balikat ni Bembem na diumano ay tinapik ni Alex. Matapos ay bumalik na umano si Alex sa mga kaklase nito nang siya umano’y sundan ni Roberto. Nang magharap na sina Roberto at Alex, agad na sinuntok ni Alex si Roberto na ikinabagsak nito.
Diumano, nang umamba na muling susuntok si Alex ay humugot na ng patalim si Roberto mula sa bewang nito at sinaksak si Alex. Matapos ay tumakbo umano sa magkabilang direksyon sina Roberto at Alex.
Nagwakas ang pagdinig sa Regional Trial Court (RTC) sa pagbaba ng hatol na maysala sina Roberto, Jeffrey at Christian para sa krimen na murder.
Ayon sa RTC, merong treachery at evident premeditation sa pamamaslang sa biktima. Ang partisipasyon diumano nina Jeffrey at Christian ay nakatulong upang maisakatuparan ni Roberto ang intensyon nito na saksakin ang biktima. Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw kina Roberto, Jeffrey at Christian.
Ipinag-utos din ng hukuman ang pagbabayad-pinsala nila sa naulila ni Alex ng halagang P100,000.00, karagdagang P100,000.00 bilang moral damages, P100,000.00 bilang exemplary damages at P46,800.00 para sa mga ginastos sa burol at pagpapalibing sa nasabing biktima.
Mayo 29, 2023 nang maghain ng Notice of Appeal sina Roberto, Jeffrey at Christian. Naiakyat ang kanilang apela sa Court of Appeals (CA), Cebu City.Sa tulong at representasyon ng aming opisina, sa katauhan ni Manananggol Pambayan B.J. Largosa mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU)-Visayas, hiniling ng tatlong apelante ang kanilang pagpapawalang-sala.
Kanilang iginiit na taliwas ang desisyon ng RTC sa ating Saligang Batas sapagkat hindi umano malinaw kung ano ang mga impormasyon at batas kung saan ibinatay ng RTC ang naging hatol nito.
Iginiit din ng depensa na pagtatanggol lamang sa sarili o self-defense ang ginawa ni Roberto sapagkat siya umano ang unang sinalakay ni Alex sa pamamagitan ng panununtok nang wala umanong paghamon sa panig ni Roberto. Wala rin umanong kataksilan o treachery at hindi napatunayan ng saksi para sa tagausig na pinagplanuhan o merong evident premeditation sa pagitan ng tatlo.
Higit lalo, hindi umano napatunayan ang alegasyon ng sabwatan o conspiracy.Sa muling pag-aaral ng CA Cebu City sa kaso nila Roberto, bahagyang kinatigan ng appellate court ang depensa.
Sumang-ayon ang hukuman ng mga apela na taliwas ang ipinalabas na desisyon ng RTC sa ating Saligang Batas sapagkat hindi umano malinaw mula sa ibinabang desisyon ng RTC kung saan nito ibinatay na batas o jurisprudence ang naging hatol sa mga inakusahan. Ipinaalala ng CA Cebu City na nakasaad sa Section 14, Article VIII ng ating 1987 Constitution na ang bawat desisyon ng hukuman ay dapat nagsasaad ng mga impormasyon at batas kung saan ito ibinatay. Ang nasabing mandato ay malinaw ring nakasaad sa Section 1, Rule 120 ng ating Rules of Court. Sa kaso umano nila Roberto, nagkulang umano ang RTC.
Magkagayunman, mabusisi pa ring inaral ng CA Cebu City ang merito na inihain batay sa tala ng hukuman at mga ebidensiya na isinumite ng magkabilang panig, alinsunod sa tuntuning inilabas ng Korte Suprema sa kasong People vs. Lizada (G.R. Nos. 143468-71, January 24, 2003) na kung saan bahagyang isinaad:
“The Court would normally remand the case to the trial court because of the infirmity of the decision of the trial court, for compliance with the constitutional provision. However, to avert further delay in the disposition of the cases, the Court decided to resolve the cases on their merits considering that all the records as well as the evidence adduced during the trial had been elevated to the Court. The parties filed their respective briefs articulating their respective stances on the factual and legal issues.”
Sa masusing pagsisiyasat ng hukuman ng mga apela sa kaso nila Roberto, ipinahayag nito na nabaling ang pasanin ng pagpapatunay kay Roberto, sapagkat iginiit niya umano ang depensa ng pagtatanggol sa sarili. Ipinaliwanag ng CA Cebu City, sa pamamagitan ni Honorable Associate Justice Corpin Jr. ng Twentieth Division:
“In homicide cases, as in all criminal cases, the basic rule is that the burden of proving the guilt of the accused lies in the prosecution. But when the accused invokes self-defense, the rule is reversed and the burden of proof is shifted to the accused to prove the elements of his defense. It then becomes incumbent upon him to rely on the strength of his own evidence and not on the weakness of the evidence of the prosecution, for even if the latter were weak, it could not be disbelieved after he had admitted the killing.”
Binigyang-linaw ng CA Cebu City na para kilalanin ang depensa ng pagtatanggol sa sarili o self-defense, kinakailangan na mapatunayan ang tatlong elemento – una, merong hindi makatwirang pagsalakay o unlawful aggression sa parte ng biktima; ikalawa, merong makatwirang pangangailangan sa parte ng taong nagtatanggol ng kanyang sarili sa pamamaraan na kanyang ginamit upang pigilan o salagin ang pagsalakay ng biktima; at ikatlo, walang sapat na paghamon (provocation) sa parte ng taong nagtatanggol sa kanyang sarili upang siya ay salakayin o saktan ng biktima.Para sa CA Cebu City, hindi umano naitaguyod ni Roberto na lehitimo niyang ipinagtanggol ang kanyang sarili.
Hindi umano napatunayan ng depensa na merong hindi makatwirang pagsalakay sa parte ni Alex. Naging kapuna-puna sa appellate court ang diumano hindi pagkakatugma ng mga testimonya ng mga saksi ng depensa.
Sa isang banda, sinabi umano ni Roberto na hinamon siya ni Alex ng suntukan at bigla na lamang diumano siyang sinuntok ng naturang biktima. Sa kabilang banda naman, sinabi nina Christian at Jeffrey na matapos tapikin ni Alex ang kamay ni Roberto ay bumalik na umano ito sa kanyang mga kaklase.
Sinundan diumano ni Roberto si Alex at du’n na sila nagkaharap at bigla na lamang sinuntok ni Alex si Roberto. Para sa hukuman ng mga apela, ang naturang agresyon ay nagwakas na noong punto na bumalik si Alex sa kanyang mga kaklase.
Wala na umanong panganib sa parte ni Roberto na magbibigay-katwiran upang gumamit pa siya ng anumang akto o pamamaraan upang protektahan ang kanyang sarili.Magkagayunman, hindi sang-ayon ang hukuman sa mga apela ni Roberto.
Bagaman napatunayan diumano sa pamamagitan ng mga saksi ng tagausig na si Roberto talaga ang sumaksak kay Alex, na ang pamamaslang na naganap ay hindi saklaw ng mga krimen na parricide o infanticide, hindi naman umano naitaguyod ng tagausig ang alegasyon na mayroong kataksilan o treachery.
Ipinaliwanag ng CA Cebu City na merong treachery kung sadya na pinili ng salarin ang pamamaraan na ginamit nito upang maisakatuparan ang krimen at masiguro na hindi makakasalag o depensa ang biktima.
Napansin ng appellate court na sa sitwasyon nina Roberto at Alex, nagkaroon ng alitan sa pagitan nila na naging dahilan ng biglaang pagsalakay, panununtok at nauwi sa pananaksak. Ang biglaan o hindi inaasahan na mga sirkumstansya na nabanggit ay taliwas diumano sa alegasyon na merong kataksilan.
Hindi rin umano napatunayan ng tagausig na merong evident premeditation sa pagsalakay ni Roberto. Wala umanong ebidensiya na nagpapakita na pinagplanuhan ni Roberto ang ginawa niyang pananaksak sa biktima.
Hindi rin umano naitaguyod na merong sapat na panahon na lumipas mula sa pagkakaplano ni Roberto at sa mismong akto niya ng pananaksak.Dahil dito, nagbaba ng bagong hatol ang CA Cebu City at pinatawan si Roberto ng parusa para sa krimen na homicide. Sapagkat siya umano ay kusang sumuko, kinonsidera iyon ng hukuman ng mga apela bilang mitigating circumstance.
Pagkakakulong ng 8 years and 1 day ng prision mayor bilang minimum, hanggang 12 years and 1 day ng reclusion temporal bilang maximum ng kanyang bubunuin. Siya rin ay inutusan na magbayad-pinsala ng halagang P50,000.00, pagbabayad ng karagdagang P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang sa temperate damages bilang kapalit ng actual damages.
Para naman kina Christian at Jeffrey, iginawad ng hukuman ng mga apela ang pagpapawalang-sala sa kanila sapagkat hindi umano naitaguyod ng tagausig, nang higit sa makatwirang pagdududa, ang alegasyon na kanilang pakikipagsabwatan na maisakatuparan ang krimen. Naging kapuna-puna umano sa appellate court ang pagkakasalungat na testimonya ng mga saksi patungkol sa partisipasyon ng dalawa sa pamamaslang sa biktima.
Batay sa pahayag ng saksi na si Rona, matapos diumano na suntukin ni Alex si Roberto ay hinawakan si Alex nina Christian at Jeffrey, lumapit si Roberto sa bandang likuran ni Alex at sinasak ito. Sa pahayag naman ng saksi na si Maria, hinawakan diumano ni Jeffrey ang braso ni Alex habang si Christian naman ay hinawakan si Roberto.
Nakalapit umano si Roberto kay Alex at sinasak ang huli sa likuran nito. Kaya naman para sa hukuman ng mga apela, mas kapani-paniwala umano ang pahayag ni Maria. Gayunman, hindi nakumbinsi ang CA Cebu City na merong sama-samang kriminal na layunin ang mga inakusahan.
Maipagpapalagay diumano na maaaring kaya hinawakan nila Christian at Jeffrey sina Alex at Roberto ay upang awatin sila sa gitna ng pagsusuntukan ng dalawa. Hindi rin umano napatunayan ng tagausig na alam nina Christian at Jeffrey ang magiging akto ng pananaksak ni Roberto.
Ang kalabuan ng intensyon at pagkilos nina Christian at Jeffrey ay nagdulot ng makatwirang pagdududa sa isipan ng hukuman ng mga apela ukol sa alegasyon ng pakikipagsabwatan.Ang naturang desisyon ng CA Cebu City ay naging final and executory noong Agosto 27, 2024.
Hindi man napatawan ng parusa sina Christian at Jeffrey dahil sa nakita ng appellate court na makatwirang pagdududa sa kanilang pagkakasala, nakamit naman ng namayapang biktima na si Alex ang hustisya sa pagkakahatol kay Roberto.
Sana ay matapos na ang lahat ng uri ng mga karahasan, isa na rito ang ginawa ni Roberto kay Alex. At sana ay patuloy na maihatid sa mga biktima ng krimen ang karampatang hustisya, ganundin sa mga maling napagbintangan ng krimen na sila ay mapawalang-sala.
コメント