ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 10, 2023
May mga pagkakataon na ang berbal na pagtatalo ay nauuwi sa mga bagay na seryoso, at maaari rin itong humantong sa kamatayan. May ganitong pangyayari sa kasong hawak ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. Garren Magbanua y Salazar (CA-G.R. CR No. 46394, February 28, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Edwin D. Sorongon [8th Division]).
Ang masakit pa rito, magkadugo ang sangkot sa nasabing kaso.
Si Garren, ang suspek sa pamamaslang ng kanyang kapatid na si Genmark. Sila ay kapwa nakatira sa bahay ng kanilang kapatid na si J sa Taguig City. Walang kaalam-alam si J at asawa nitong si R na madalas ay mayroong berbal na pagtatalo sina Garren at Genmark. Subalit, hindi nila sukat akalain na mauuwi sa ganitong sitwasyon ang kanilang pagtatalo.
Ayon sa prosekusyon, bandang alas-5:00 ng madaling araw noong Marso 4, 2020, umalis ng bahay si J upang pumasok sa kanyang trabaho habang ang kanyang maybahay na si R naman ay pumasok din sa kanyang trabaho bandang alas-9:00 ng umaga. Ang anak naman nina J at R na si G ay umalis ng bahay, bandang alas-11:00 ng umaga upang pumasok sa paaralan. Samantala, ang naiwan lamang sa naturang bahay noong araw na iyon ay ang magkapatid na sina Garren at Genmark.
Ayon sa testimonya ni Alberto na isang mason, nakita umano niyang nagmamadaling umalis ng bahay si Garren, alas-2:00 ng hapon noong araw na iyon. Wala diumanong ibang napansin si Alberto na umalis o pumasok sa bahay nila J. Alas-8:00 ng gabi, pag-uwi ni G mula sa paaralan, nakita niya diumano na wala nang buhay ang tiyuhin niyang si Genmark. Agad niyang ipinaalam ito sa nanay niyang si R, na siya namang nagpaalam agad sa kapulisan ng ibinalita ng anak.
Kinabukasan, napag-alaman na si Garren ay nasa Silang, Cavite, kung kaya’t du’n na siya inaresto.
Batay diumano sa otopsiya sa bangkay ni Genmark, nagtamo ang biktima ng 19 na saksak, 2 hiwa ng sugat at 1 pasa.
Mariing itinanggi ni Garren ang akusasyon laban sa kanya. Wala diumano siya sa naturang bahay noong mga oras na pinaslang ang kapatid niya.
Ayon kay Garren, alas-12:30 ng tanghali noong Marso 4, 2020, umalis na siya ng kanilang bahay upang pumunta sa kanyang paaralan sa Silang, Cavite. Ru’n diumano siya nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan, mayroon na lamang diumanong 4 na pulis na umaresto sa kanya at dinala siya sa Imperial Police Station 1 sa Silang, Cavite.
Sinampahan ng kaso si Garren sa Regional Trial Court (RTC). Dahil walang direktang ebidensya kung sino ang pumaslang sa biktima, ang naturang pagtatalo ng magkapatid, pati na ang testimonya ni Alberto, R at G, ang mga nagsilbing circumstantial evidence para akusahan si Garren sa karumal-dumal na sinapit ng kanyang kapatid.
Batay sa desisyon ng RTC, hindi napatunayan ng prosekusyon na mayroong evident premeditation o treachery sa pagkakapaslang kay Genmark. Kung kaya’t hatol na homicide ang ibinaba laban sa kanya. Pagkakakulong ang ipinataw kay Garren at pinagbabayad siya ng danyos at bayad-pinsala para sa mga naulilang pamilya ng biktima.
Hindi siya sang-ayon sa ibinabang hatol laban sa kanya, kung kaya umapela siya sa Court of Appeals (CA). Matapos ang masusing pag-aaral ng CA, ipinawalang-sala nito si Garren. Batay sa desisyon ng CA, hindi isinasantabi ang posibilidad ng pagtanggap ng hukuman sa circumstantial evidence, lalo na kung sadyang walang direktang ebidensya na maipresenta laban sa akusado.
Subalit, para sa partikular na kasong isinampa laban kay Garren, hindi sumapat para sa CA ang mga isinumiteng ebidensya.
Ayon sa appellate court, kulang ang circumstantial evidence na naipresenta ng prosekusyon. Kung mayroon mang napatunayan ang kanilang ebidensya, ito ay ang hindi magandang relasyon ng magkapatid na naiwan sa nasabing bahay noong araw ng insidente at iyong tagpong nakita ni Alberto si Garren na umalis noong hapon na iyon.
Ang mga ito, ayon sa CA, ay hindi nagpapakita ng mayroong moral na katiyakan na si Garren nga ang pumaslang sa kanyang kapatid.
Maliban sa mga ito, napuna rin ng CA na hindi nakasaad sa Medico-Legal report ang estimated time of death ng biktima, isang bagay na pinagdududahan ng CA kung sa mga oras ba na nasa bahay pa si Garren naganap ang pagpaslang kay Genmark, o kung ang pagpaslang ay naganap noong mga oras na wala nang ibang maaaring testigo at ibang tao ang maaaring pumaslang sa biktima.
Binigyang-diin ng CA ang kahalagahan ng pagkilala sa Constitutional principle of presumption of innocence. Bagama’t hangad ng hukuman na pagbayarin ang sinumang gumawa ng krimen, kinakailangan na ang ebidensya ay magpapatunay na walang makat’wirang pag-aalinlangan o reasonable doubt sa pagkakasala ng inaakusahan.
Sa kaso ni Garren, mayroong reasonable doubt na nakita ang CA. Ayon din sa appellate court, hindi maaaring ibatay ang hatol sa akusado sa kahinaan ng kanyang depensa.
Bagkus, ang hatol ay tanging ibabatay sa tibay ng ebidensya ng prosekusyon.
Nakakalungkot man ngunit batay sa desisyon ng CA, hindi sapat ang ebidensya ng prosekusyon laban kay Garren. Kung kaya’t minarapat na siya ay ipawalang-sala.
Gayunman, panalangin pa rin namin na matukoy kung sino ang tunay na pumaslang kay Genmark at makamit niya at ng kanyang mga naulila ang tunay na hustisya. Sadyang masakit ito na usapin sa pamilya ng magkapatid na Garren at Genmark. Ang una ay pinagbintangang pumaslang at nakulong. Ang huli naman ay pinaslang ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya dahil napawalang-sala ang kanyang kapatid na itinuring na pumatay sa kanya. Parehong naging biktima ang magkapatid at dumanas nang kawalan ng hustisya, nang dahil dito ay patuloy na dumadaing ang pareho nilang puso na mabigyan na sana ng karampatang hustisya si Genmark.
Comentários