ni Angela Fernando @News | September 17, 2024
Nanindigan si Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac, nitong Martes na nilagdaan niya ang huling pahina ng kanyang counter-affidavit kadikit ng kasong human trafficking bago siya tumakas palabas ng 'Pinas nu'ng huling linggo ng Hulyo.
Inamin ito ni Guo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado ukol sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) nang suriin ng mga senador ang counter-affidavit na na-notaryo nu'ng Agosto 14 at isinumite sa Department of Justice (DOJ) nu'ng Agosto 16, isang buwan matapos tumakas si Guo mula sa bansa.
Kinumpirma rin ni Guo kay Sen. Sherwin Gatchalian na may bahagi na ng dokumento ang natapos nu'ng pinirmahan niya ito. Ito ay ipinagtapat ni Guo matapos na ipakita ni Sen. Risa Hontiveros ang isang sworn affidavit mula kay "Ka Dante," na diumano'y tumulong sa mga tauhan ni Guo sa proseso ng pag-notaryo ng kanyang counter-affidavit.
Comments