top of page
Search
BULGAR

Alert Level 1, pag-asa sa pagbangon ng ekonomiya

ni Fely Ng - @Bulgarific | February 17, 2022





Hello, Bulgarians! "Malaki ang magagawa ng Alert Level 1 sa ating pagbangon." Ito ang pahayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion. Kung mangyari ito, sabi ni Concepcion, ang bansa ay makakamit ang 6.5 percent na GDP growth rate sa unang quarter ng 2022. Unang itinulak ng founder ng Go Negosyo na ibaba ang NCR sa Alert Level 1 pagdating ng Marso 1, at sinabing mataas ang posibilidad na mangyari ito nang mas maaga kaysa sa inaasahan.


Gayunman, tinanggap ni Concepcion ang desisyon ng pamahalaan na panatilihin ang NCR sa ilalim ng Alert Level 2 hanggang sa katapusan ng Pebrero. Umaasa siyang magpapatuloy ang kasalukuyang mababang antas ng HCUR (healthcare utilization rate) at ang pagbaba ng ADAR (o mga nahahawaan kada 100,000 ng populasyon) at sa huli ay hahantong na sa Alert Level 1 ang NCR pagdating ng Marso. Bukod dito, tingin ni Concepcion na sa kalaunan ay maaari na rin alisin ang Alert Level system. Ipinaliwanag niya na marahil ay wala na sa state of public health emergency ang bansa dahil wala nang nakikitang mga variant of concern, parami nang parami ang mga nababakunahan at ang HCUR ay nananatiling mababa.


Sinabi ng OCTA Research fellow na si Dr. Guido David na ayon sa mga indicator o sukatang ginagamit sa pag-subaybay ng pandemya, maaaring mag-Alert Level 1 na sa Marso. Ayon kay David, ang NCR ay magiging malapit, o nasa, “very low risk” pagdating ng Marso. Sinabi rin ni David na ang ADAR ay magiging mas mababa pa sa 1, at ang positivity rate ay magiging mas mababa sa 3 percent. "Mahalaga ang mas mababang alert level kung ipagpapatuloy ng ating bansa ang mga naipanalalo na natin sa fourth quarter," sabi ni Concepcion. Ang Pilipinas ay nagkamit ng 7.7 na paglago sa GDP sa huling bahagi ng 2021; iniuugnay ito sa pagluluwag na nangyari noong kapaskuhan.


Inaasahan ng OCTA Research na ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ay babagsak sa 200 kada araw sa pagtatapos ng Pebrero, at 140 naman kada araw sa Marso. Samantala, ang HCUR naman ay inaasahang patuloy na bababa. Nauna nang sinabi ng OCTA Research head na si Prof. Ranjit Rye na ang mas mababang Alert Level 1 status ay pagkakataon para mapanatili ang paglago ng ekonomiya. Matatandaang dahil sa payo ng OCTA, iminungkahi ng pribadong sektor ang dalawang linggong lockdown noong Agosto 2021. Nagtagumpay ang lockdown sa pag-iwas ng surge sa kapaskuhan at naisalba ang ekonomiya sa ikaapat na quarter ng 2021.


Nauna nang sinabi ng IATF na ang Alert Level 1 ay ituturing na "new normal" ng bansa.


Sa ilalim nito, mayroon pa ring mga public health protocols ngunit papayagan ang mga negosyo na mag-operate sa 100 percent na kapasidad. Gayunman, nananawagan ang mga negosyante ng karagdagang pagluluwag, dahil sa kahirapang kumita ng sapat gawa ng limitadong kapasidad dahil sa physical distancing. "Dapat isa-alang alang ito ng pamahlaan sa pagtatakda nila ng public health protocols," sabi ni Concepcion.


"Ginagawa ng mga negosyante ang kanilang makakaya upang makasunod sa new normal, ngunit sa palagay ko, dapat nating subukan kung kaya nating maging ligtas gamit lamang ang pag-obserba ng public health protocols," sabi niya.


 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page