top of page
Search
BULGAR

‘Alert Level 0’ status, pinag-aaralan na ng gobyerno – Duque

ni Lolet Abania | March 10, 2022



Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan na ng gobyerno ang posibilidad na luwagan pa ang COVID-19 status ng bansa na gawing “Alert Level 0,” habang maraming lugar na ang nasa Alert Level 1.


Ayon kay Duque, nakapagtala na ng mas mababa sa isang libo ang mga kaso araw-araw ng COVID-19 sa anim na magkakasunod na araw habang ang National Capital Region (NCR) at 38 pang mga lugar sa buong bansa ay nananatili sa pinakamababang alert level system hanggang Marso 15.


“So far, so good naman ‘yung ating Alert Level 1. Kahit na maximum, 100% capacity na ang mga establisimyento, patuloy naman na bumababa ang ating mga kaso. Anim na araw na tayo na below 1,000 cases daily,” ani Duque sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


“Hopefully, mapababa pa natin ito ng 500 or even less on a daily basis para talagang, malay natin baka pwede nang magde-escalate sa Alert Level 0,” dagdag niya.


Ipinunto naman ni Duque na ang element ng Alert Level 0 ay tatalakayin pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, at ng iba pang government advisers.


“Ano ba ang elements ng Alert Level 0? Kasi may mga tanong halimbawa, sa Alert Level 0, pwede na bang magtanggal ng mask? Pwede na bang ‘wag nang sumunod sa hand hygiene? ‘Yung mga ventilations, supisyente ba?” sabi ni Duque.


Marami aniyang mga tanong na kailangang sagutin habang ang mga expert panels at technical advisory group ay patuloy na ito ay pinag-aaralan. Magbibigay din aniya, sila ng rekomendasyon sa IATF sa mga susunod na araw.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page