ni Jeff Tumbado | May 1, 2022
Pinakilos na ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. General Remus Medina ang kanyang mga tauhan para beripikahin ang impormasyong pagkakaroon ng private army ng isang congressional candidate sa Quezon City.
Ito ang inihayag ni General Medina kaugnay sa napaulat na pagdadala ni Rose Nono-Lin ng kanyang private army sa tuwing nangangampanya.
Si Lin ay kumakandidato bilang kongresista sa ikalimang distrito ng lungsod Quezon.
"We are validating reports regarding the information, we will take action, we will pursue them if it's true," wika ni Medina.
Sinabi pa ni Medina na kanilang aalamin kung sinu-sino ang mga indibidwal na kabilang sa private army ni Nono-Lin.
"As far as the PNP is concerned, possible na may kabilang na pulis sa kanila," pahayag ng opisyal.
Batay sa nakalap na report, hindi bababa sa walong bodyguards na pawang mga armado ng baril ang umano’y kasa-kasama ni Nono-Lin, bukod pa sa mga security personnel na nakatalaga sa mga headquarters nito.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code ng Commission on Elections (Comelec), kasabay na rin ng kanilang paghihigpit ay ipinagbabawal ang maraming security escorts sa panahon ng campaign period at pinahihintulutan na dalawa lamang ang nakatokang security details sa bawat local candidate.
Siniguro naman ni General Medina na maipupursige ang kaso laban kay Nono-Lin kung mapatunayan na may private armed group ito.
Binalaan din ni Medina ang lahat ng kandidato sa Quezon City na mahigpit ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa escorts at private armed groups sa election period at handa aniya ang QCPD na ipatupad ang batas at buwagin ang nasabing mga grupo para sa matiwasay na halalan.
Nauna na ring nahaharap sa mga reklamong vote-buying si Nono-Lin na naipatawag na rin ng Comelec upang ibigay ang panig nito sa mga akusasyon.
Comments