top of page
Search
BULGAR

Alegasyon, ‘di sapat gawing batayan upang idiin ang akusado

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 10, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Ang pananakit ng bata ay kailanman hindi magiging tama, lalo na kung ang gumawa nito ay matatanda na dapat sana’y gagabay at kakalinga sa kanila. 


Kung kaya’t mayroon tayong mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata sa anumang uri ng dahas.


Subalit, dapat pakatandaan na hindi sapat na alegasyon lamang ang mayroon laban sa inaakusahan. Kinakailangan din na magkaroon tayo ng matibay at konkretong katibayan upang sila ay lubos na maparusahan. Kung hindi sasapat ang katibayan na isusumite sa hukuman, pagpapawalang-sala ang ipagkakaloob sa akusado. 


Tandaan na hindi lamang ang mga biktima ang mayroong daing; ang mga maling naakusahan din ay humihiling na sila ay dinggin.


Tunghayan natin ang mga pangyayari at kinahinatnan sa kasong People of the Philippines vs. Dario Raon y Aplaca (CA G.R. CR No. 46733, January 16, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Germano Francisco D. Legaspi (2nd Division), upang ating higit na maunawaan na ang batas ay kikiling lamang sa katarungan.


Si Dario ay napagbintangan na nang-aabuso ng isang bata na si AAA, dahilan upang siya ay maharap sa kasong paglabag sa Section 10(a), Article VI, ng Republic Act (R.A.) No. 7610 in relation to Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 8369.


Batay sa bersyon ng tagausig, Oktubre 23, 2008, bandang alas-7 ng umaga, narinig umano ni AAA na noon ay 16-anyos na sumisigaw si Dario at pinagbabantaan ang kanyang ama na si BBB na pasasabugin ang kanilang bahay. Dahil dito, inutusan umano ni BBB si AAA na humingi ng tulong sa pulis. 


Nang papunta na diumano si AAA sa himpilan ng pulis ay nakasalubong niya si Dario.


Nanlilisik umano ang mga mata ni Dario, bagay na kinatakutan ni AAA. Dinuru-duro diumano siya ni Dario, inambaan at pasigaw na sinabing, “Saan ka pupunta tatawag ka ng pulis? Sige, tumawag ka ng pulis. pagpapatayin ko kayo, pasasabugin ko ang bahay n’yo.


Magaling na ang isang paa ng papa mo ‘yung isa naman ang pipilayin ko. Hindi kayo aabutin ng Pasko!”


Ayon kay BBB, sinampahan niya umano ng reklamo si Dario matapos na baliin nito at nang ilan pang kasama nito ang kanyang binti at wasakin ang kanyang bahay, sa hindi niya malamang dahilan, noong Hunyo 29, 2008. Dahil umano sa alitang iyon, ginugulo na ni Dario ang pamilya ni BBB.  Matapos ang insidente ng pananakot kay AAA, napilitan umanong lumipat ng tirahan ang pamilya ni BBB.


“Not guilty” naman ang naging pagsamo ni Dario. 


Ayon sa kanya, noong umaga ng Oktubre 23, 2008 ay pinuntahan niya si BBB at kinompronta ukol sa kasong physical injuries na isinampa nito laban sa kanya. Sinagot umano siya ni BBB na sa hukuman na lamang sila magkita. 


Nang lumabas umano ang anak na lalaki ni BBB, pinagsabihan na rin ito ni Dario ukol sa paggamit nito ng pellet gun at ang pagtatakbuhan sa tapat ng kanilang bahay. 

Hinila na lamang umano si Dario ni Mercy na kanyang asawa dahil tila walang mangyayari sa kanilang paghaharap. Subalit sinabihan pa umano siya ni BBB, “Huwag ka papasok sa bakuran namin dahil sasabog ka.”


Matapos ang pagdinig sa Regional Trial Court (RTC), binabaan si Dario ng hatol na pagkakakulong. Siya rin ay pinagbabayad ng fine na P20,000.

Paniwalang mali ang ibinabang hatol sa kanya, agad na naghain si Dario ng apela sa Court of Appeals (CA). Iginiit niyang hindi napatunayan ng tagausig ng lampas sa makatuwirang pagdududa ang kanyang pagkakasala.


Muling siniyasat at pinag-aralan ang parehong panig sa kasong ito. Bagaman kinilala ng CA ang kredibilidad ng batang saksi at hindi rin binigyan ng timbang ang pagtanggi at pagdadahilan ni Dario, siya ay kinatigan at pinawalang-sala ng appellate court.


Ipinaliwanag ng CA na mayroong apat na akto na pinarurusahan sa ilalim ng probisyon ng Section 10(a), Article VI, ng R.A. No. 7610, ito ay ang mga sumusunod: 

  1.  child abuse,

  2.  child cruelty

  3.  child exploitation, at 

  4.  being responsible for conditions prejudicial to the child’s development


Diumano sa kasong inihain laban kay Dario, hindi sumapat ang ebidensya na isinumite ng tagausig upang mapatunayan ang kanyang pagkakasala sa nabanggit na probisyon ng batas.Ayon din sa CA, ang “child abuse” sa ilalim ng Section 3(b) ng R.A. No. 7610 ay tumutukoy sa mga gawa o salita na maaaring magdulot ng pagbaba o kapinsalaan ng pansariling halaga o dignidad ng isang bata bilang isang tao.


Gayunman, binigyang-diin ng hukuman na hindi lamang alegasyon na mayroong intensyon ang inakusahan na pababain o pinsalain ang pansariling halaga o dignidad ng batang biktima ang kailangan. Bagkus, dapat ay mayroon ding katibayan na ang inirereklamong akto ng inakusahan ay siyang nagdulot ng naturang kapinsalaan sa biktima. 


Sapagkat, hindi umano napatunayan ng tagausig na ang akto at binitawang salita ni Dario ay ginawa nito para yurakan o pinsalain ang halaga o dignidad ni AAA, minarapat nilang baligtarin at isang-tabi ang naunang desisyon ng RTC at siya ay ipawalang-sala sa krimen na ibinintang laban sa kanya. Batay sa desisyon ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Legaspi:


“However, it is not merely the presence or absence of a specific intent to debase, degrade, and demean the child which determines whether an act would fall under Republic Act No. 7610. It is only when the Information alleges a specific intent, or when the provision of law demands it, must the prosecution prove its existence. A cursory review of the Information in the instant case reveals no allegation that the accused-appellant's act debased, degraded, or demeaned the intrinsic worth and dignity of AAA as a human being.”

Enero 16, 2024, nang maging pinal ang nasabing desisyon, batay na rin sa Entry of Judgment mula sa naturang hukuman.


Ang kasong ito ay isa muling paalala na parehong biktima at inakusahan ang sumisigaw ng hustisya. 


Kung kaya’t sadyang napakahalaga ng tungkulin ng ating mga hukuman ang masinsinang pag-aaral sa bawat aspeto ng kaso at masusing pagsasaalang-alang sa bawat letra ng batas upang sa huli ay kanilang maihatid ang tunay na katarungan. 


Ang tunay na katarungan ay ang pagkakatimbang nang maigi ng mga ebidensyang inihain sa hukuman at tamang parusa ang maipataw na sang-ayon sa isinasaad ng batas. 


Sa magkatulad na bigat ng pagpapahalaga sa biktima at akusado, sa magkaparehong malasakit sa kanilang mga kaso – sa ganitong paraan, mababawasan ang pagdaing ng mga apektadong partido.

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page