ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 10, 2025
ISSUE #348
Paano kung bigla kang nakarinig ng mga sigaw na, “Magnanakaw, magnanakaw!” At kasunod ay may mga komosyon at habulan na nasaksihan mo, kung saan kinuyog ng maraming tao ang pinaghihinalaang kawatan? At paano kung ang sitwasyon ay nauwi pa sa hindi inaasahang kasawian ng naturang pinaghihinalaang kawatan?
Maaari nga bang managot sa pagkamatay ng naturang kawatan ang sinumang naiturong nakisuntok?
Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng hukuman para sa mga apela o Court of Appeals, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.
Sa kasong People v. Ligalig, et al. (CA-G.R. CR HC No. 019xx-MIN, Hunyo 18, 2020), sa panulat ni Honorable Associate Justice Angelene Mary W. Quimpo-Sale, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Caloy,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o murder.
Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig.
Sa buod ng mga testigo ng tagausig, noong ika-2 ng Marso 2010, bandang alas-2:00 ng hapon, sa loob ng bus terminal, namataan ang biktima na itago na lamang natin sa pangalang Boogie, na may kausap na isang Maranao trader. Narinig ng saksi na sinabihan ng Maranao trader si Boogie na ibalik ang isang bagay, subalit tumakbo ang huli at dito na nag-umpisang sumigaw ang mga tao ng, “Magnanakaw, magnanakaw!”
Si Boogie ay hinabol ng ilang bystanders, na kalaunan ay nakilalang si Caloy. Tumakbo si Boogie palabas ng bus terminal patungo sa pampublikong palengke, kung saan na-corner siya ni Caloy at ng kanyang mga kapwa-akusado. Naabutan nila at nilapitan ang biktima at pinaghahampas hanggang sa matumba.
Dahil sa awa, nilapitan ni Pedro, hindi nito tunay na pangalan, si Boogie at nang makitang umaagos ang dugo sa noo, agad itong umalis sa takot na baka madamay siya sa krimen.
Iniligtas ni Ricky, hindi nito tunay na pangalan, ang biktima at itinago sa loob ng isang hardware store. Iniulat niya ang insidente sa mga otoridad na dumating at agad na dinala ang biktima sa ospital kung saan siya namatay.
Kinasuhan si Caloy, habang hindi pa nahuhuli ang ilan sa mga kapwa pinaghihinalaang kasamahan sa krimeng pagpaslang o murder kaugnay sa pagkamatay ni Boogie.
Hindi agad naaresto si Caloy at siya’y nadakip na lamang habang nililitis na ang kaso ng ilan pa sa kapwa niya akusado. Dahil dito, hindi nabigyan ng maayos na pagkakakilanlan si Caloy bilang isa sa mga salarin sa hukuman.Gayunpaman, iginiit ni Caloy na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Boogie at naghahanapbuhay lamang siya noong mga panahong iyon.Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Caloy sa krimeng pagpaslang o murder.
Kaugnay sa nabanggit, inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Soraya Laut mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao ang kaso ni Caloy.
Iginiit ni Caloy na ‘di malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin bilang aktor sa pambubugbog kay Boogie at ang salarin sa kanyang pagkasawi.
Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-18 ng Hunyo 2020, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Caloy nang siya ay mapawalang-sala.
Ayon sa CA, habang ang parehong mga saksi ng tagausig na sina Pedro at Ricky ay nagpahayag na kilala nila ang lahat ng akusado sa kasong ito dahil sila ay mga bystanders sa terminal ng bus, hindi malinaw sa kanilang mga testimonya na si Caloy ay isa nga sa mga naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Boogie.
Ayon sa salaysay ni Pedro, tumakbo ang biktima patungo sa Taboan Market at nakita niya ang Maranao na hinahabol ang biktima.
Sa kanyang direktang pagsusuri, kinilala ni Pedro ang mga Maranao bilang kapwa akusado ni Caloy. Gayunpaman, hindi talaga nakita ni Pedro kung si Caloy ang mismong humabol sa biktima at kung ipinagpatuloy ang pambubugbog sa kanya dahil umalis si Pedro sa eksena nang siya ay bumalik sa terminal ng bus.
Sa kabilang banda, tahasang pinangalanan ni Ricky si Caloy bilang isa sa mga nanakit sa biktima sa Taboan Market. Sa kabila ng testimonya na ito, nabigo ang prosekusyon na gumawa ng tamang pagkakakilanlan kay Caloy bilang isa sa mga may kasalanan ng krimen sa kanyang paglilitis. Ang wastong pagkakakilanlan na ito ay mahalaga kung isasaalang-alang na sa panahong iyon si Caloy ay nasa labas at hindi pa nahuhuli, kaya naman hindi pa nasa ilalim ng hurisdiksyon ng korte.
Samakatuwid, bigo upang maitaguyod ang isa sa mahahalagang elemento ng krimen, ang pagkakakilanlan ng pumaslang at kung si Caloy ba mismo ang lumahok at naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Boogie. Sa madaling salita, ang pagkakakilanlan ng akusado bilang isa sa mga naging sanhi ng pagkamatay ng biktima ay hindi napatunayan.
Muli at upang bigyang-diin, sa pamamagitan ng tagausig ay may pasanin na patunayan ang pagkakakilanlan ng akusado at ang kanyang aktuwal na paggawa ng pagkakasala.
Ang mga katotohanang ito ay dapat patunayan ng pag-uusig nang lampas sa makatuwirang pagdududa sa lakas ng ebidensiya nito at hindi sa kahinaan ng depensa.
Sa maraming pagkakataon ay nabanggit na hindi sagot sa isang pagkakamali ang isa pang pagkakamali. Tunay man o hindi na nagawa ni Boogie ang krimeng pagnanakaw, malinaw na mali na dalhin sa sariling mga kamay sa pamamagitan ng pambubugbog ang kaparusahan at hustisya. Sa katunayan, ang kinatatakutan kung bakit hindi ito pinapahintulutan ay nangyari gawa sa nangyaring pagkamatay ng aniya ay nagnakaw at naging biktima na si Boogie.
Gayunpaman, naiwasan ang potensiyal na karagdagang daing at pagkakamali nang mapawalang-sala si Caloy sa kasalanang ibinintang sa kanya na base lamang sa pagtuturo at ayon lamang sa espekulasyon.
Lumabas sa mga inihaing ebidensiya na hindi naman mismong nasaksihan ng mga saksi ng tagausig ang espisipikong akto ng pananakit na siya umanong naging sanhi ng pinaghihinalaang pagkapaslang kay Boogie.
Sa kabila ng natugunang daing ni Caloy na siyang naging aral, patuloy ang ating mga dasal para sa kaluluwa ni Boogie na siyang dumadaing magpahanggang sa ngayon.
Comments