ni Gerard Peter - @Sports | July 17, 2021
Iniukit ng Alaska Aces ang pambuwenamanong panalo sa pagsisimula ng bagong season ng Philippine Basketball Association (PBA) nang payukuin ang bagong bihis na Blackwater Bossing, 103-77 sa 46th season ng Philippine Cup sa Ynares Arena sa Pasig City kahapon.
Pumukol ng team-high 20 puntos, si Michael Digregorio para pangunahan ang opensiba ng Aces na halos walong buwang hindi nakalaro matapos ang matagal na games cancellation dahil sa quarantine protocols at mga paghihigpit dulot ng COVID-19 pandemic.
Sumegunda kay Digregorio ang mga big men ng Aces na sina Yousef Taha na may 16 puntos at Abu Tratter na may 13 puntos. Nawalang saysay naman ang game-high 23 points ni Simon Enciso na pumukol ng 5-of-11 sa tres, gayundin ang magandang laro ni Mike Tolomia na umambag ng 15pts at Ed Daquioag, 13.
Sunod na makakatapat ng Aces ang Terrafirma Dyip sa Miyerkules, Hulyo 21 sa first game sa 12:30 ng hapon, habang tatapatan ng Bossing ang Rain or Shine bukas, Linggo sa main game sa 7 p.m.
Samantala, nakatakdang ibandera ng Magnolia Hotshots at Phoenix Super LPG ang mga bigating sina “The Beast” Calvin Abueva at “Muscle Man” Vic Manuel, habang ilalatag ng TNT Tropang Giga ang beteranong lineup kontra sa mas batang Terrafirma Dyip sa pagratsada ng 2nd day competition.
Magsasagupa ang Giga at Dyip sa unang sultada ng 2 p.
m., habang susundan ng bakbakan ng Hotshots at Super LPG sa main game ng 4:35.
Babanat sa unang laro ang 33-anyos na 7-time All-Star na si Abueva para mabuo ang trio nila ni Paul Lee at Ian Sangalang, kung saan katulong din sina Mark Barroca, Justin Melton, Rafi Reavis at rookies Jerrick Ahamisi, Loren Brill at Ronnie de Leon.
Comments