top of page
Search
BULGAR

Alas Men Yumuko sa China sa AVC Challenge Bahrain

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 4, 2024



Sports Photo


Pansamantalang dumaan sa lubak ang kampanya ng Alas Pilipinas at yumuko sa Tsina sa pagbubukas ng 2024 AVC Challenge Cup for Men Lunes ng madaling araw sa Isa Bin Rashed Hall sa Bahrain. Kinailangan ang tatlong mahigpitang set – 25-19, 25-22 at 25-22 – bago nakuha ng Tsina ang unang panalo sa Grupo A. 


Maganda ang simula ng Pilipinas at agad uminit si Leo Ordiales at nagawang itabla ang unang set sa 12-12 bago tuluyang humiwalay ang kalaban. Parehong umabot sa 22-24 ang huling dalawang set subalit naging mas matatag ang Tsina sa pagtala ng nagpapanalong ika-25 puntos.


Susubukang bumawi ng Alas kontra host Bahrain at manatiling buhay para sa knockout quarterfinals. Ang mga Bahraini ay #67 sa FIVB World Ranking na mas mababa kumpara sa #59 Pinoy subalit ang Bahrain ang pumangalawa sa likod ng kampeon Thailand noong 2023 Challenge Cup sa Taiwan. 


Bawal magkamali ang mga Pinoy at tatlo lang ang kalahok sa grupo at kung papalarin, makakaharap nila sa playoffs ang isa buhat sa Grupo C na kinabibilangan ng #21 Qatar, #27 Timog Korea at #52 Indonesia. Nakauna ang mga Koreano sa mga Indones – 25-11, 25-16 at 25-9. 


Matatandaan na binigo ng Bahrain ang Pilipinas sa simula ng knockout playoffs noong 2023 at tuluyang nagtapos na ika-10 sa 15 bansa. Ang iskor noon ay 25-20, 25-17 at 25-23 at ilan sa mga naglaro ng mahusay kahit natalo ay sina Joshua Umandal at Kim Malabunga. 


Maliban sa dalawa, nagbabalik para sa pambansang koponan at tiyak layunin ang makabawi ay sina Noel Kampton, Marck Espejo, Vince Patrick Lorenzo at Lloyd Josafat. Si Coach Sergio Veloso din ang gumabay sa kanila. 


Sa ibang mga laro, nagtagumpay ang Pakistan sa Kazakhstan sa Grupo B – 25-19, 25-19 at 25-21. Dinaig ng Australia ang Chinese-Taipei – 25-21, 25-17 at 25-17 – sa Grupo D.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page