@Buti na lang may SSS | December 11, 2022
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay SSS member. Nabalitaan ko na may bagong UMID ATM Pay Card ang SSS. Maaari ba akong mag-apply para makakuha nito? - Alvin
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Alvin!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat inilunsad ng SSS kamakailan ang UMID ATM Pay Card. Magsisimula na tumanggap ng applications mula sa existing cardholders at new applicants sa first quarter ng 2023.
Para sa kaalaman ng ating miyembro, ang UMID ATM Pay Card ay naka-link sa regular savings account sa Union Bank of the Philippines (UBP). Sa ngayon, UBP pa lamang ang available na provider ng UMID ATM Pay Card Program sapagkat ito pa lang ang participating bank sa ilalim ng nasabing programa.
Kamakailan ay lumagda sa kasunduan ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) upang maging bahagi din ng UMID ATM Pay Card Program.
Ang kagandahan sa UMID ATM Pay Card, ito ay valid government-issued ID at ATM card. Magagamit itong patunay ng iyong pagkakakilanlan sapagkat ito ay isang valid ID. Bukod dito, dahil ito ay naka-link sa regular savings account, maaari rin itong i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) bilang disbursement account, kung saan ike-credit ng SSS ang lahat ng mga benepisyo, loan at refunds ng mga miyembro.
Dagdag pa rito, taglay ng nasabing UMID ang karaniwang function ng ATM card kung saan magagamit ito para mag-check ng balance, mag-withdraw ng cash, mag-transfer ng funds, magbayad ng bills, mag-deposit at iba pa sa branches, self-service machines at online at mobile platforms ng UBP, gayundin sa mga BancNet ATMs sa buong bansa.
Wala namang required na maintaining balance ang account na ito.
Sa mga existing UMID cardholders, kinakailangan nilang magbayad upang makakuha ng UMID ATM Pay Card. Kung naka-link ito sa UBP regular savings account, P100 ang babayaran at P200 naman kung naka-link sa RCBC regular savings account.
Libre naman ito sa mga SSS pensioners gayundin ang pag-upgrade sa UMID ATM Pay Card ng mga miyembro na nakapag-apply na ng generic UMID card, kung saan kasalukuyan pang hinihintay ang release nito.
Narito ang proseso ng aplikasyon sa upgrading ng UMID ATM Pay Card:
Kinakailangan ng miyembro o pensyonado na mag-log-in sa kanilang My.SSS account.
I-access ang E-Services tab.
I-signify ang inyong consent para i-share ang inyong impormasyon sa UBP.
I-download ang UBP mobile banking app at punuan at kumpletuhin ang online form.
Kung kayo ay mayroong karagdagang katanungan o paglilinaw tungkol sa UMID ATM Pay Card, maaaring magpadala ng email sa member_relations@sss.gov.ph at ilagay sa subject line ang “UMID ATM Pay Card Upgrade.”
***
Binuksan na noong Nobyembre 17, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Severe Tropical Storm ‘Paeng’ noong Oktubre 2022. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa CAP hanggang Pebrero 16, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Kasama rin ang Cagayan, lalo na sa bayan ng Amulung, Enrile at Tuguegarao. Sa Marinduque, ito ay ang mga bayan ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista at sa Cotabato ay ang bayan ng Pigcawayan, Libungan at Midsayap.
Dagdag pa rito, ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.
Gayundin, bukas pa rin ang CAP para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon Karding. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa CAP hanggang Enero 6, 2023. Ito rin ay binubuo ng CLAP para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at EC pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga at San Miguel sa Bulacan.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments