ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 6, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay ginang na may tatlong anak at edad 39 pa lamang. Hindi ko alam kung rayuma itong nararanasan ko sa aking mga kasukasuan. Ano ba ang sanhi nito at kahit ba 39 pa lang ang edad ko ay rayuma na ito? – Marieta
Sagot
Ang rayuma ay kondisyon ng autoimmune disease o ‘yung pag-atake ng sariling panlaban ng katawan (immune system) sa sariling kalamnan, partikular sa mga joints o kasu-kasuan. Dahil dito ay nagkakaroon ng pamamaga, hirap sa pag-unat at matinding pananakit sa mga kasu-kasuan tulad ng sa mga daliri, kamay at tuhod.
Ano ang sanhi ng rayuma?
Wala pang natutukoy na tiyak na sanhi ang pagkakaroon ng rayuma. Ngunit maaaring dulot ito ng iba’t ibang salik. Maaaring ito ay namamana, dulot ng mga kaganapan sa paligid o hormones na inilalabas ng katawan. Maaaring ito rin ay dulot ng pag-atake ng virus o bakterya na siyang nakaaapekto sa immune system ng katawan upang atakihin ang sariling kalamnan ng mga kasu-kasuan.
Totoo ba na para lang sa matatanda ang sakit na rayuma?
Hindi ito totoo, sapagkat ang rayuma ay maaaring makaapekto maging sa mga mas batang indibidwal mula sa edad 25 hanggang 60. Bagama’t mas mataas ang posibilidad na umatake ito sa mga matatanda.
Narito ang mga gamot na nakatutulong upang maibsan ang sintomas ng rayuma:
Gamot na kontra-pamamaga at kontra-sakit tulad ng aspirin, ibuprofen at naproxen
Gamot na ipinapahid sa bahaging apektado ng rayuma.
Gamot na narcotic na pangontra sa pananakit
Balanseng pagpapahinga at pag-eehersisyo
Commentaires