top of page
Search
BULGAR

Alamin: Sintomas ng gout

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 03, 2021





Dear Doc. Shane,


Hirap akong lumakad at madalas namamaga ang aking tuhod na may kasamang pamumula. Ang sabi sa akin ng mga kumpare ko ay sintomas daw ito ng gout. Totoo ba ‘yun? – Badong


Sagot

Ang gout ay isang uri ng sakit kung saan namamaga ang kasukasuan. Karaniwan ay nakakaapekto ito sa hinlalaki ng mga paa at sa iba pang kasukasuan sa mga kamay at tuhod. Kilala rin ito bilang ‘gouty arthritis’. Dahil isa ito sa pinakamasakit na uri ng pamamaga, kadalasan sa mga taong nakararanas ng gout attack ay umiinom agad ng pain reliever o gamot na inireseta ng doktor.


May posibilidad na magka-gout attack ang tao kapag nakaranas ng matinding sakit sa bahagi ng buto sa kasukasuan at nahihirapang igalaw ang bahaging ito.


Narito ang iba pang sintomas ng gout:

  • Pamumula, pananakit at pamamaga ng kasukasuan

  • Pagkati ng kasukasuan

  • Matinding sakit sa apektadong bahagi ng katawan

Ang pangunahing sanhi ng gout ay ang pagkakaroon ng sobrang taas na antas ng uric acid. Kapag hindi naipalalabas ng mga bato, maiipon ang uric acid sa dugo at bumubuo ng kidney stones. Bagama’t, hindi lahat ng taong may mataas na antas ng uric acid ay nagkakaroon ng gout attack, maaari pa ring maranasan ang mga sintomas nito.


Mas mataas ang posibilidad na magkakaroon ng gout attack kung isa sa mga miyembro ng pamilya ay may gout o nagkaroon na rin ng gout attack.


Bukod dito, maaari ring madagdagan ang chance na magkaroon ng gout kapag may mataas na uric acid level (hyperuricemia).


Mahirap malaman kung may gout ang tao dahil ang mga sintomas nito ay masyadong karaniwan ngunit, maraming mga naibalitang lumala lamang ang kanilang nararamdaman bunga ng self-medication at pag-inom ng maling mga gamot.


Bagama’t, indikasyon ng pagkakaroon ng gout ang pamumula, pananakit at pamamaga ng kasukasuan, hindi masisiguro ang karamdaman dahil lang sa mga sintomas na ito. Kung magpapakonsulta sa eksperto sa kasukasuan, mas magiging sigurado sa pagtukoy ng karamdaman. Praktikal ang pagpapa-check-up upang malaman kung gout ba ang kondisyon o mas malala pa.


Narito ang ilang mga pagsusuri upang malaman kung mayroong gout ang indibidwal:

  • Blood testing

  • Joint fluid test

  • X-ray

Ang punto ng maagang paglunas sa gout ay ang pag-iwas sa pananakit ng kasukasuan. Kadalasan, bubuti ang karamdaman nang ilang araw o oras lamang pagkatapos itong gamutin. Kapag nakaranas pa rin ng gout attack, gawing prayoridad ang paghahanap ng permanenteng lunas sa kondisyon upang hindi ito maging sanhi ng komplikasyon o ang pagkasira ng kasukasuan.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page