ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| July 11, 2022
Sa isang relasyon, dapat ay give and take. Kumbaga, dapat may ambag ang bawat isa, saanmang aspeto ng buhay n’yo ‘yan.
Pero paano naman kung “in a relationship” ka nga, ngunit tila ikaw na lang ang bumubuhat sa relasyon n’yo? ‘Yun bang, ikaw ang palaging nag-e-effort at nag-i-initiate ng mga bagay to keep the romance alive? Naku, besh, sign na ‘yan na nag-iisa ka sa relasyon na dapat ay “partner” kayo.
Gayunman, narito ang iba pang signs na nasa one-sided relationship ka:
1. NAGKA-CANCEL NG PLANO. Kapag napapadalas na ang pagka-cancel niya sa inyong mga plano, posibleng hindi siya invested sa inyong relasyon. Gayundin, ‘pag iba ang priorities niya at mas gusto niyang ibang tao ang kanyang kasama, patunay lamang ito na hindi ka niya pinahahalagahan.
2. WALANG ORAS SA ‘YO. Mas malala pa ito sa pagka-cancel ng plano. ‘Pag pakiramdam ng partner mo na hindi ka masyadong mahalaga sa kanyang buhay, asahan mo na kaunti ang oras niya sa ‘yo or worse, tuluyan ka na niyang dedmahin. Gayunman, ipinaliwanag ng mga eksperto na kailangan nating maging independent at some point, pero kailangang magtagpo o mag-fit pa rin kayo ng partner mo sa ibang aspeto ng buhay. Para mag-work ang isang relasyon, kailangang may quality time ang mag-partner. At kung willing kang maglaan ng oras para sa kanya pero hindi niya kayang gawin ‘yun sa ‘yo, alam na, besh.
3. NADE-DRAIN KA SA KANYA. Alam nating healthy ang isang relasyon ‘pag support system ng mag-partner ang isa’t isa, pero ‘pag nasa puntong handa kang damayan siya pero hindi siya ganu’n ‘pag ikaw ang nangangailangan ng suporta, problema ‘yan. Gayundin, ‘pag paulit-ulit itong nangyayari, mas madali kang made-drain at obvious na hindi na balanse ang relasyon n’yo.
4. ‘DI MO KAYANG MAGING HONEST. Ayon sa mga eksperto, kailangan mong ipakita ang totoo mong sarili sa iyong karelasyon. Ito ay dahil ‘pag nilimitahan mo ang iyong sarili sa “version” na magugustuhan ng partner mo, nangangahulugan ‘yan na masyado kang naglalaan ng effort para ma-please siya.
Gayundin, ‘pag pakiramdam mo ay makakaapekto sa inyong relasyon ang pagse-share o pag-o-open mo ng iyong feelings, for sure na magiging emotionally drained ka. Marahil, hindi niya kayang mag-handle ng mga ganu’ng sitwasyon, kaya naman, hindi niya naibibigay ang tamang response.
5. SIYA ANG NASUSUNOD. Sa lahat ng bagay, mapa-restoran, TV shows o schedule ng lakad, siya ang nasusunod at hindi mahalaga ang opinyon o mga gusto mo. Tandaan, sa isang healthy relationship, ang preferences ng bawat isa ay pinapahalagahan at iginagalang. Gayunman, sa one-sided relationship, isang tao lamang ang nasusunod sa lahat ng pagkakataon at ‘di niya kayang magsakripisyo para sa iyo, habang ikaw naman ay palaging nagko-compromise para masabing may “common ground” kayo.
6. NAGIGING IRITABLE KA NA. Yes, besh! Kapag patuloy na nadededma ang iyong mga wants at needs, pero todo-bigay ka pa rin sa kanya, hindi na naiiwasan ang resentment. At ‘pag patuloy mo itong nararamdaman at lumalala pa, make sure na aalamin mo ang rason kung bakit, gayundin, aaksiyunan mo ito.
7. IKAW LANG ANG NAG-I-INITIATE. Halimbawa, nagkikita o nagba-bonding lamang kayo ‘pag ikaw ang nagplano at hindi na ito nauulit kung hindi ka magpa-plano ulit. Gayundin, ikaw lamang ang nagri-reach out at hindi siya. Isa pang halimbawa, ikaw ang unang nagte-text o tumatawag, gayundin, palagi kang may regalo sa kanya, pero hindi niya ‘yun nagagawa sa ‘yo. Kumbaga, nagpapatuloy na lamang ang relasyon dahil sa ‘yo. Ouch!
8. IKAW LANG ANG NAGSO-SORRY. Kapag may pinag-awayan kayo, minsan o never siyang nag-take responsibility at humingi ng tawad. Madalas, ikaw ang nagpapatalo o nagso-sorry kahit wala kang kasalanan. Gayunman, ayon sa mga eksperto, ang pag-ako ng responsibilidad at paghigi ng tawad ay may malaking factor sa isang relasyon, ngunit kung isa lamang ang gumagawa nito, red flag ‘yan. Posibleng nahihiya siyang aminin ang kanyang pagkakamali at iiwas na humingi ng tawad o iga-gaslight ka niya hanggang maitanim sa isip mo na ikaw ang may mali.
Bestie, kung naitataguyod mo ang one-sided relationship n’yo, maniwala ka, hindi rin ‘yan sustainable. In short, hindi ‘yan magtatagal.
Kaya naman, bantayan mong mabuti ang mga signs at tingnan kung maglalaan siya ng oras at effort sa inyong relasyon, ngunit kung hindi, isip-isip ka na, bes.
Gaya ng nabanggit sa itaas, give and take sa isang relasyon, at kailangang pareho kayong nagbe-benefit dito. Gets mo?
Comments