top of page
Search
BULGAR

Alamin: sanhi at solusyon sa pagkabulol

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 12, 2021



Dear Doc. Shane,

Hanggang ngayon ay bulol pa rin magsalita ang aking anak na 5 years old. Ang ipinagtataka ko ay maayos na magsalita ang mas nakababata nitong kapatid na 4 years old. Bakit kaya ganu’n? Meron ba akong dapat gawin para maayos ang kanyang pagsasalita? – Gerald


Sagot

Ang pagkabulol o lisping o functional speech disorder sa terminolohiyang medikal ay ang hirap sa pagbigkas ng ilang tunog na bahagi ng pananalita tulad ng ‘s’, ‘z’, ‘r’, ‘l’ o ‘th’. Halimbawa, ang salitang ‘sikap’, ito ay maaaring mabigkas na ‘thikap’.


Ano ang dahilan ng pagkabulol?

Hindi madaling matukoy ang dahilan kung bakit ang isang tao ay nabubulol ngunit karaniwan, ito ay kombinasyon ng mga problema sa hugis at anyo ng mga bahagi ng lalamunan, problema sa pagkakatuto ng pananalita noong bata at iba pa. Maaari ring konektado ito sa diperensiya sa pakikinig o problema sa mga tainga.


Normal lang ba ang pagkabulol sa mga bata?

Posible dahil hindi pa gaanong kabisado ng mga bata ang pagbigkas ng iba’t ibang kataga kaya ang kanilang pananalita ay bulol. Subalit, sa edad na apat hanggang lima ay kalimitan nawawala na ang pagkabulol ng mga bata.


Kanino puwedeng magpatingin kung may problema sa pagsasalita?

Ang mga speech pathologist o Speech-Language Pathologist (SLP) ang mga espesyalista para sa mga ganitong problema. Kalimitan, nag-aral din sila ng Speech-Language Therapy (SLT), ang lunas sa ganitong mga problema.


Speech Therapy: Lunas sa pagkabulol

Ang SLP ay mag-i-interview sa pasyente o sa mga magulang tungkol sa history ng pasyente. Halimbawa, lumipat ba siya mula sa lugar na iba ang salita? Nagkaroon ba siya ng mga sakit noon?


Kailangang maobserbahan at maeksamin ng SLP ang bibig at mga bahagi nito kung paano ito gumalaw habang nagsasalita ang pasyente. Susuriin din ang paraan ng pagsasalita ng pasyente.


Ang paraan para mawala ang pagkabulol ay ang pagsasagawa ng speech therapy o speech and language therapy (SLT). Maraming iba’t ibang uri ng therapy, layunin nitong matutunan ng pasyente ang tamang pagbigkas sa pamamagitan ng pagtukoy ng tamang pagbigkas, pagkukumpara nito sa maling bigkas, pagsubok na pagbigkas sa iba’t ibang mga tunog at kataga, at tuluy-tuloy na pagpapraktis.


Gaano katagal ginagawa ang speech therapy?

Depende sa problema at kung gaano kabilis matuto ang pasyente. Maaaring tumagal ang therapy nang wala pang isang buwan at maaari rin itong umabot nang ilang taon.


Para mapabilis, mahalaga ang tuluy-tuloy na therapy at practice ng mga speech exercises na ibibilin ng inyong speech therapist.

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page