@Buti na lang may SSS | October 17, 2021
Dear SSS,
Nais kong malaman kung ano ang tinatawag na funeral benefit ng SSS? – Alice ng Taguig
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Alice!
Ang Social Security System (SSS) ay mayroong pitong benefit programs na ipinagkakaloob sa mga miyembro nito, gayundin sa kanilang mga legal na benepisaryo. Isa na ang funeral benefit kasama ng sickness, maternity, unemployment, disability, retirement at death.
Ang benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit ay ibinabayad ng SSS sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro o pensiyunado nito. Maaaring makatanggap ng benepisyo na nagkakahalaga mula P20, 000 hanggang P40, 000 ang sinumang mag-claim para rito. Samantala, ang halaga ay nakabatay sa average monthly salary credit (AMSC) ng miyembro at ang credited years of service o haba ng paghuhulog niya sa SSS. Kinakailangan din na nakapaghulog ng kahit isang kontribusyon ang namatay na SSS member upang maging kuwalipikado sa nasabing benepisyo.
Paalala, dapat nakapangalan sa claimant ang mga dokumento sa pagpapalibing tulad ng resibo sa funeral parlor, service at iba pa.
Noong nakaraang taon, ipinatupad ng SSS ang online application para sa funeral claim. Ito ay available na ngayon sa mga claimant na SSS member din na mayroong My.SSS account at naka-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module o DAEM ang kanilang bank account o UMID-ATM card. Para sa mga claimant na hindi naman miyembro ng SSS at miyembro ng SSS na walang UMID-ATM card, maaari nilang ihulog ang kanilang aplikasyon sa mga drop box na matatagpuan sa mga sangay ng SSS.
Simula rin noong nakaraang taon, hindi na tseke ang ginagamit sa pagbabayad ng funeral benefit sa mga claimant. Ito ay i-credit na sa bank account ng claimant. Sa ganitong pamamaraan, mas mabilis at ligtas ng matatanggap ang nasabing benepisyo bilang pag-iingat din sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga benepisaryo at claimant mula sa COVID-19.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments