top of page
Search
BULGAR

ALAMIN: Paraan para maiwasan ang paghina ng memorya

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 09, 2021




Dear Doc Erwin,


Nakaraan lamang ay nagkaroon kami ng reunion sa aming high school batch, class of 1973. Marami ang nagsabing sila ay nag-umpisa nang maging malilimutin at napansin na rin ng marami ang paghina ng kanilang memorya sa maraming bagay. Ako naman ay wala pang napapansin na paghina ng aking memorya. Mayroon ba akong magagawa upang maiwasan ang paghina ng aking memorya habang tumatanda?


Mayroon bang gamot o maaaring inumin upang makatulong sa pagpapanatili ng aking memorya? – Eugene T.


Sagot


Maraming salamat Eugene sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Habang tayo ay nagkaka-edad ay nagkakaroon ng mga pagbabago sa ating memorya.


Ayon sa Cleveland Clinic sa Amerika, ang simpleng pagiging malimutin tulad ng pansamantalang hindi maalalang pangalan, lugar o pangyayari ay maaaring parte ng pagtanda.


Ayon sa mga pag-aaral, ang parte ng ating memorya na kadalasan na apektado ng aging process ay ang kakayahan nating matutunan ang mga bagong kaalaman at ang maalala ang mga bagong mga natutunan. Dahil sa mga nabanggit, habang tayo ay tumatanda ay mas nahihirapan tayo matuto ng mga bagong kaalaman at maalala ang mga ito.


Ayon sa mga eksperto sa kaalaman sa cognitive functions at memorya ng tao, ang abilidad nating maalala ang mga matagal ng pangyayari (remote memory) ay hindi apektado ng pagtanda. Ito ang dahilan kaya tila malakas ang memorya ng mga senior citizens sa kanilang nakaraan.


Hindi rin apektado ng pagtanda natin ang procedural memory o memorya kung paano gagawin ang isang bagay at mga memorya na maituturing na general knowledge. Nape-preserve rin ang ating memorya sa pag-intindi ng lenggwahe, ang ating vocabulary at syntax.


Maaaring maapektuhan ng bahagya ang ating abilidad na gumamit ng ating lenggwahe.


Bagama’t nape-preserve natin ang ating vocabulary (verbal intelligence) ay bumabagal naman ang ating kakayahan sa pagproseso ng information. Bumabagal din ang ating reaction time, cognitive processing at ang abilidad natin sa multi-tasking.


Tungkol sa iyong katanungan kung mayroon kang magagawa upang maiwasan ang paghina ng memorya habang tumatanda, may mga suhestiyon ang mga eksperto. Ayon sa American Academy of Neurology practice guidelines, ang pinakamaiging gawin upang mapanatili ang kalusugan ng ating isipan ay ang pag-exercise dalawang beses sa isang linggo. Ang aerobic exercise, tulad ng swimming, brisk walking, cycling at hiking, ayon sa mga pag-aaral ang nakatutulong sa pag-improve ng memory function.


May pitong paraan din upang mapanatili ang memorya at matalas na pag-iisip ayon sa Mayo Clinic sa bansang Amerika. Ang mga ito ay isama ang physical activity sa araw-araw, manatiling mentally active o mag-brain training (halimbawa, mag-crossword puzzle o sudoku), iwasan ang stress at depression, maging organisado sa pang-araw-araw na gawain, matulog ng 7 hanggang 9 na oras, kumain ng healthy diet, at ang panghuli ay siguruhing nako-control ang mga chronic conditions, tulad ng hypertension, diabetes, mataas na cholesterol at hearing loss. Tandaan, ang mga gamot na iniinom natin ay maaaring makaapekto sa ating memorya, sumangguni sa inyong doktor upang malaman kung ang inyong gamot ay nakakaapekto sa memorya at congnitive function.


Importante rin ang pag iwas sa matatamis na pagkain at inumin. Sa animal study, nakita na ang matatamis na inumin ay may koneksiyon sa pagkakasakit ng dementia. Ang pagkain ng marami (high calorie diet) ay maaari rin makaapekto sa ating memorya bukod sa ito ay magiging dahilan ng pagtaba (obesity).


Sa iyong katanungan naman tungkol sa gamot na maaaring makatulong na mapanatili ang iyong memorya ay nararapat na sumangguni sa iyong doktor. Maaaring makatulong sa ‘yo ang resulta ng ilang pag-aaral kung saan nakita na ang Caffeine ay makatutulong sa ating long term memory, sa improvement ng ating pag-alala (memory recall), at ganun din sa short term memory. Ang kape at green tea ay parehong naglalaman ng Caffeine.


Ang pagkain rin ng dark chocolate (72% cocoa) ay makatutulong sa iyong memorya dahil ito ay nagpaparami ng blood flow sa ating utak. Ayon sa scientific article na inilathala noong June 2011 sa Physiology & Behavior Journal, ang cocoa (na makikita sa dark chocolate) ay naglalaman ng cocoa flavonols na nakatutulong upang mag-improve ang ating spatial memory and performance.


Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page