top of page
Search
BULGAR

Alamin: Pagkakaiba ng karaniwang menstrual cramps sa endometriosis

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 3, 2020




Doc. Shane,


Halos 4 taon nang kasal ang ate ko pero hindi pa rin siya nabubuntis. Nalaman naming mayroon siyang endometriosis pero ayaw niya itong pag-usapan. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Meg


Sagot


Halos lahat ng babae ay dumaraan sa pananakit ng puson kapag may kabuwanang dalaw. Kaya’t minsan, ang endometriosis ay hindi agad nalalaman o nada-diagnose dahil napapagkamalan lamang na karaniwang menstrual cramps.


Samantala, ang endometriosis ay ang abnormal na pagdami o paglago ng endometrial cells, na kapareho ng nasa loob ng uterus. Ang mga cells na ito—o endometrium—ay lumalago sa labas ng uterus, at sa ibang organs sa pelvic area tulad ng obaryo, fallopian tube at tissue lining ng pelvis.


Sa kondisyong ito, patuloy ang paglago, pagkapal at pagdurugo (para sa buwanang regla) ng endometrial tissue, na animo’y nasa loob pa rin siya ng uterus. At dahil walang mapapaglabasan, nakukulong ito sa loob ng katawan.


Kapag naapektuhan na ang obaryo, mabubuo ang mga cysts na tinatawag na endometriomas. Naiirita ang nakapaligid na tissue, at nasusugatan ang mga ito. Ito ang sanhi ng pagdurugo at labis na pananakit, lalo kapag may regla. Isa rin ito sa mga dahilan ng problema sa pagbubuntis.


Narito ang ilan sa mga pangunahing sintomas ng endometriosis:

  • Labis na pananakit ng puson o lower abdomen kapag may regla, o bago pa man dumating ang regla

  • Malakas na menstrual bleeding o pagdurugo kahit wala pa ang buwanang regla o dysmenorrhea

  • Infertility

  • Pananakit pagkatapos ng pakikipagtalik

  • Discomfort kapag may bowel movement at/o pag-ihi

  • Pananakit ng lower back kapag may regla

  • Fatigue o labis na pagkapagod, diarrhea, constipation, bloating o nausea, lalo kapag may regla


Kailan dapat magpatingin sa doktor?


Sa unang hudyat pa lang ng labis na pananakit, o labis na pagdurugo kapag may regla, o sa pagitan ng buwanang dalaw, magpatingin na agad sa OB-Gyne. Ang early diagnosis o maagap na pag-alam kung may ganitong karamdaman ay makakatulong na mapigil pa ang paglala nito.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page