ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 10, 2020
Dear Doc. Shane,
Napansin naming tumabingi ang kalahating mukha ng nanay ko pero wala namang problema sa kanyang pagsasalita sapagkat hindi naman siya nauutal. Nagtataka tuloy kami kung stroke ba ito o ‘yung tinatawag lang nilang palsy? Ano ba ang pinagkaiba ng mga ito? – Billie
Sagot
Ang tawag d’yan ay Bell’s Palsy — paralysis o panghihina ng kalamnan ng isang bahagi ng mukha kaya ito tumatabingi. Partikular na tinatamaan at namamaga ang cranial nerve VII, na sumusuporta sa mga kalamnan ng mukha.
Ito ay benign condition o hindi seryosong sakit — madalas ay gumagaling ito ng kusa, pero minsan ay kailangan din ng therapy.
May ilang mga kaso na temporary lamang depende sa sanhi nito. Ang ibang case, puwedeng permanent, lalo na kung aksidenteng na-fracture ang temporal bone o ‘yung dinadaanan ng nerve.
Ano ba ang facial nerve?
Ito ‘yung ugat sa mukha na nagmumula sa utak na dumadaan sa maliit na butas sa bungo sa ilalim ng mga tainga. Nagpagagalaw ito sa muscle sa mukha para magkaroon ng facial expressions. Nagpapasara rin sa talukap ng mga mata at nakatutulong sa panlasa.
Ano ang sanhi?
Hindi malinaw ang dahilan nito pero ayon sa mga neurologist, dulot ito ng herpes simplex virus. Kapag tinamaan ang cranial nerve VII, dito na nagkaka-Bell’s Palsy.
Sintomas:
Biglaang paralysis o panghihina ng kalamnan ng isang bahagi ng mukha
Labis na pagluha o pagkatuyo ng mga mata
Pananakit sa paligid ng panga o likod ng mga tainga
Sensitibong pandinig
Pagtabingi ng mukha
Kawalan ng panlasa
Hindi maisara ang mata
Hindi maikunot ang noo
Bumabagsak ang corner ng bibig
Tumutulo ang laway
Ano ang pagkakaiba ng Bell’s Palsy at stroke?
Sa Bell’s Palsy, kalahati ng mukha ang apektado, habang sa stroke, ang involved ay lower quadrant ng mukha. Naiikunot pa rin ang noo. At isa pa, hindi common sa stroke na mukha lang ang apektado, kundi pati mukha, mga braso at kamay, hita o binti sa kaparehong parte ng katawan ay hindi maigalaw.
Paano ito ginagamot?
Steroids sa unang dalawang araw
Anti-viral at anti-inflammatory drugs
Vitamin B complex especially B12
Eye care
Facial exercise
Acupuncture
Comentarios