ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 12, 2022
Dear Doc Erwin,
Nag email ako sa inyo upang magtanong tungkol sa aking diet. Ako ay university student sa Benguet. Dahil sa schedule ng aking mga classes ay madalas akong kumakain na lamang sa fast food. Bukod dito ay mahilig akong kumain ng karne.
Sa seminar sa aming university ay sinabi ng speaker na ang madalas na pagkain ng red meat at processed meat ay konektado sa pagkakaroon ng colorectal cancer. Totoo ba ito? - Rain
Sagot
Maraming salamat Rain sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
May mga risk factors na nagpapataas ng chance na ang indibidwal ay magkaroon ng colorectal cancer (kanser sa bituka). Ayon sa American Cancer Society, ang mga sumusunod ay risk factors na nagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng colorectal cancer — pagiging overweight o obese, paninigarilyo, ang moderate at heavy na pag-inom ng alak, edad na mahigit sa 50, personal o family history ng colorectal cancer, diabetes at pagkakaroon ng ilang sakit, tulad ng Lynch syndrome, familial adenomatous polyposis at Peutz-Jeghers syndrome.
Ang kakulangan sa exercise ay maaaring makapagpataas ng chance na magka-cancer. Gayundin ang pagkain ng red meat (tulad ng karne ng baka, baboy, lamb at ng atay) at processed meat (tulad ng hot dog, luncheon meat), ayon sa American Cancer Society.
Kung ikaw ay mahilig na kumain sa fast food restaurant, ang madalas na pagkain ng prito o grilled na karne ay maaaring magpataas ng risk na magkaroon ng colorectal cancer. Ito ay dahil sa ang pagluluto ng karne sa mataas na temperatura ay nakagagawa ng mga chemicals na maaaring maging dahilan ng cancer sa bituka.
Ang pagkain ng red at processed meat ay maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng colorectal cancer ayon sa isang pag-aaral ng mga scientists mula sa Brigham and Women’s Hospital sa Boston, Massachusetts, na sinuportahan ng National Institutes of Health ng Amerika, Cancer Research UK at ng American Association for Cancer Research na inilathala sa scientific journal na Gastroenterology noong June 24, 2022.
Ayon sa nabanggit na pag-aaral, ang pagkain ng red at processed meat ay nagpaparami sa ating bituka ng strain ng E. coli na nagpo-produce ng colibactin. Ang colibactin, ayon sa mga scientists ay toxic metabolite na nakasisira ng ating DNA na maaaring mag-trigger ng cellular mutation at pagkakaroon ng colorectal cancer.
Bukod pa sa nabanggit, ayon kay Dr. Shuji Ogino, chief ng Molecular Pathological Epidemiology Program ng Brigham and Women’s Hospital sa kanyang panayam sa Medical News Today, ang pagkain ng red at processed meat na typical na makikita sa western diet, kasama ng pagkain ng matatamis na pagkain at mga refined carbohydrates, ay dahilan ng pagkakaroon ng intestinal at systemic inflammation, na maaring maging simula ng colorectal cancer.
Tungkol sa binanggit mo na family history ng colorectal cancer, ayon sa Center for Disease Control (CDC) ng Amerika, mas mataas ang chance mo na magkaroon din ng colorectal cancer. Sa datos ng American Cancer Society, isa sa tatlong may colorectal cancer ay may family history ng pagkakaroon ng colorectal cancer ng miyembro ng pamilya.
Dahil sa mga nabanggit ay makabubuti na umiwas sa red at processed meat at mag-exercise ng regular. Mas makabubuti drin na magbawas ng timbang kung ikaw ay overweight.
Sa mga indibidwal na may family history ng colorectal cancer, ipinapayo ng American Cancer Society ang pagsangguni sa doktor para malaman kung kinakailangan ng genetic counselling, screening at mga pamamaraan ng pag-iwas sa colorectal cancer.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments