top of page
Search
BULGAR

Alamin: Pagbabago sa pagbabayad ng utang sa SSS

@Buti na lang may SSS | February 14, 2021



Dear SSS,

Nabalitaan ko na magkakaroon ng pagbabago sa pagbabayad ng loan sa SSS. Ano ang pagbabagong ito? At bakit ito kinakailangan? – Alona ng Tagum City


Sagot

Mabuting araw, Alona!


Totoong magkakaroon ng pagbabago sa pagbabayad ng loan ng mga miyembro ng SSS. Mula ngayong Abril 1, kinakailangang kumuha na ng payment reference number o PRN tuwing magbabayad ng loan repayment para sa nahiram ninyong pera sa SSS.


Ito ay bahagi ng kalulunsad na Real-Time Processing of Loans (RTPL) program. Sa ilalim nito, tuwing magbabayad kayo ng inyong utang sa alinmang sangay ng SSS na may Automated Tellering System (ATS) o sa alinmang collecting partner ng SSS na compliant na sa RTPL, kinakailangan ninyong iprisenta ang PRN para sa loan repayment.


Magkaiba ang PRN para sa loan repayment at ang PRN na ginagamit sa pagbabayad ng inyong SSS contribution. Kung ikaw ay magtutungo sa sangay ng SSS upang magbayad ng salary loan at contribution sa SSS, dapat dalawang PRN ang dala — isa para sa loan repayment at isa para sa contribution payment.


Sakop ng nasabing pagbabago ang mga short-term loan na kinabibilangan ng salary loan, calamity loan, emergency loan at restructured loan tulad ng Loan Restructuring Program. Dahil dito, kapag binayaran na ang loan repayment para sa buwan ng Marso sa Abril, kinakailangang mayroon ng PRN.


Ipinatupad ang RTPL para sa kapakinabangan ng mga nagbabayad na miyembro. Una, mapapadali nito ang agarang pagpo-post ng loan repayment sa rekord sa SSS. Ikalawa, matitiyak na tama ang pagpo-post ng bayad sa loan account. Ikatlo, maiiwasan na mai-post sa maling account ang bayad. Ang PRN ay natatanging set ng numero na nakaugnay lamang sa loan repayment para sa partikular na payment period. Bunga nito, hindi na maaaring maligaw ng posting ang bayad sapagkat ang PRN na ibinigay sa inyo ay uniquely generated para sa loan repayment.


Mula noong Nobyembre 2020, nagpapadala na ang SSS ng loan billing notice sa mga miyembrong nangutang at sa kanilang mga employer. Nakapaloob sa nasabing billing notice ang PRN na ipiprisenta sa sangay ng SSS o RTPL-compliant na collecting partner.


Ipinadadala sa mga employer ang loan billing notice ng miyembro na namamasukan. Samantala, ipinadadala naman ito sa e-mail o SMS text message sa mga individual paying member tulad ng self-employed, voluntary at overseas Filipino workers.


Kabilang sa collecting partner na RTPL-compliant ay ang Security Bank at Union Bank of the Philippines. Tatangggap ang mga bangkong ito ng loan repayment na may PRN mula sa miyembro at employer. Maaari ring magbayad ng PRN loan payment ang mga individual paying member sa mga sangay ng Philippine National Bank sa ibayong dagat.


Para naman sa mga employer, maaaring magbayad ng loan payment ng kanilang mga empleyado gamit ang BancNet’s eGov facility sa pamamagitan ng Asia United Bank, Bank of Commerce, China Bank Corporation, CTBC Bank, Metropolitan Bank, and Trust Company, MUFG Bank, Philippine Bank of Communications, Philippine National Bank, Rizal Commercial Banking Corporation, Robinsons Bank, Standard Chartered Bank, at United Coconut Planters Bank.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat natin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkool sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page