ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 22, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay may edad 5 at 6 na anak. ‘Yung panganay ay nagkaroon ng primary complex at kasalukuyang ginagamot. Worried ako na baka mahawahan nito ang aking bunso. Ano ba ang sanhi nito? Nagtataka ako kung paano siya nagkaroon nito gayung wala namang may ibang sakit na ganito sa bahay namin. - Mayen
Sagot
Ang primary complex ay isang uri ng tuberculosis na ang mga bata ang naaapektuhan. Nakukuha ito sa mga adult sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Pagdating ng isang taong gulang, isa ito sa karaniwang problema sa kalusugan ng bata.
May bakterya na tinatawag na mycobacterium tuberculosis na nagiging tuberculosis (TB) infection na mas kilala bilang primary complex. Mabilis nakahahawa ang sakit na ito, lalo kapag umubo ang taong mayroon nang TB at nalalanghap ng bata ang bakterya na galing sa kanya.
Kumakalat din ito sa pamamagitan ng pagsasalita, pagbahing at paghinga. Madalas hindi ito nalalaman ng mga magulang dahil walang sintomas na nakikita sa bata dahil protektado ng immune system ang katawan at nakukulong tuloy ang mga “germs” sa mga lymph nodes. Mananatiling walang nakikitang sintomas sa bata hanggang sa humina ang kanyang immune system.
Kapag nalanghap, ang tuberculosis bacilli ay nananatili sa baga nang matagal na panahon at maaaring maging tuberculosis. Ayon sa WHO, nasa 10% ng kaso ng primary complex ang nagiging tuberculosis. Hangga’t hindi nagiging TB ang kondisyon at kaunti pa lang ang bakterya sa baga ng bata, hindi pa ito nakahahawa.
Paano nalalaman na primary complex ang sakit?
Mayroong tuberculin skin test para malaman kung may primary complex ang bata kung saan ang kaunting dose ng purified protein derivative ng TB germ ay ini-inject sa braso ng bata. Kapag namaga at nangati ang balat, positibong may primary complex ang bata.
Kailangan din ng x-ray para makita ang baga ng pasyente at makompirma ang kondisyon.
Dapat gamutin agad ang kondisyong ito, para hindi na lumala pa.
Paano kung lumala na ito?
Sa unang stage ng tuberculosis sa bata, inaatake ng bakterya ang baga. Wala pang makikitang sintomas, hanggang 4 o 5 buwan. Maaaring may pulmonya, tubig sa baga at pag-collapse ng baga. Sa pagkakataong ito magsisimulang pumayat ang pasyente at umubo nang malala. Maaari ring kumalat ang impeksiyon at maging sanhi ng iba pang impeksiyon.
Nagagamot ba ito?
May gamot para sa primary complex kaya hindi dapat mabahala. Karaniwang inaabot ang paggamot ng hanggang anim na buwan, basta sinisiguradong naiinom ang gamot sa tamang oras at dosage.
Sa unang apat na buwan ng treatment, may tatlong klase ng gamot na karaniwang inirereseta sa pasyente. Sa ika-5 at ika-6 na buwan, maaaring bawasan ng hanggang 2 klaseng gamot. Ang dosage ay depende sa timbang ng bata kaya siguraduhing kumonsulta sa pedia lalo kung mabilis ang pagbigat ng timbang ng bata.
May katagalan ang paggamot sa primary complex at TB, at mahalagang masimulan agad ang treatment para hindi lumala — mga gamot tulad ng ethambutol, isoniazid, pyrazinamide, rifampicin at streptomycin. Nasa 90% ng bacteria ang napapatay sa unang dalawang linggo pa lang ng paggamot, pero dapat patuloy ito hanggang anim na buwan para siguradong mapuksa ang natitirang 10% ng bacteria. Kapag hindi itinuloy ang treatment, maaaring magkaron ng impeksiyon muli.
Comentarios