top of page
Search
BULGAR

Alamin: Paano ginagamot ang kurikong?

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 1, 2020



Dear Doc. Shane,


Madalas ang pangangati ng aking katawan lalo na sa may bandang puwitan, tiyan at likod. Hindi ko alam kung kurikong ang tawag dito dahil nagkaroon kami ng kasama sa boarding house na may ganito raw sakit sa balat. Ano ang maaari kong igamot dito? Ayaw ko pang magpa-checkup dahil natatakot pa akong lumabas. – Jeremy


Sagot


Ang scabies o kurikong ay sakit sa balat na dulot ng Sarcoptes scabies, isang uri ng ‘mite’ o surot. Ang pangunahing sintomas nito ay pangangati, na dahil sa paghuhukay ng mga surot sa balat.


Ito ay nakahahawa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact o pagdidikit ng balat ng tao sa ibang tao na may kurikong. Maaari ring makuha ito mula sa mga gamit tulad ng mga damit ng tao na mayroon nito.


Ang pangunahing sintomas nito ay ang pangangati, na mas lumalala kapag mainit at tuwing gabi. Puwede ring magkaron ng rashes sa bahagi ng katawan na may kurikong. May bahagi ng katawan na mas madalas naapektuhan ng scabies. Kabilang na ang mga kamay, paa, kilikili, binti, puwitan, tiyan at likod.


Lumalabas ang mga sintomas nito makalipas ang dalawa hanggang anim na linggo sa pagkakahawa nito.


Samantala, ang gamot nito ay ang pagpapahid ng lotion tulad ng Permethrin o Ivermectin sa buong katawan, mula leeg pababa at ang pagpapanatili ng lotion sa balat sa loob ng walong oras. Dahil dito, ang rekomendasyon ay ang paggamit ng lotion bago matulog.


Narito ang mas detalyadong gabay sa paggagamot ng scabies o kurikong:

  • Siguraduhing sapat ang dami ng lotion na ipapahid. Huwag kalimutang isama ang mga lugar tulad ng likod, paa (pati gilid ng mga daliri ng paa), mga daliri at pati ang ari.

  • Kung ang may kurikong ay sanggol, lagyan siya ng guwantes o mittens para hindi niya madilaan ang lotion. Kung ang may kurikong ay nagpapasuso o breastfeeding, hugasan muna ang mga suso bago mag-breastfeed at mag-apply ulit ng lotion pagkatapos.

  • Hugasan ang mga damit, tuwalya at mga bedsheets ng may kurikong sa mainit na tubig o ibukod ito sa mga lalagyan ng hindi kukulang sa 72 na oras para mapatay ang mga surot.


Pano maiiwasang magkaroon ng scabies o kurikong?

  • Iwasang dumikit sa sinumang may kurikong o sinumang nagrereklamo ng pangangati at iwasan din ang kagamitan nito tulad ng mga damit, tuwalya at bed sheet.

  • Kung merong may kurikong sa isang bahay, tiyaking walang iba pang naninirahan sa bahay na meron din nito. Kung ang iyong asawa o partner ay may scabies, maaaring gamutin ang sarili mo para siguradong hindi mahahawa nito.

  • Para sa pangmatagalang pag-iwas sa scabies, panatilihing malinis ang kapaligiran, palaging papalitan ang bed sheet. At dahil skin-to-skin contact ito, iwasan ang casual sex o pakikipag-sex sa hindi kakilala. Maaaring ituring na STD ang scabies sapagkat ito ay puwedeng makuha sa pakikipag-sex.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page