ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| July 20, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Simula nang maging mundo ang mundo, hindi nawawala ang kalaban ng tao. Sinasabi ang mismong demonyo ay nanatiling sinisira ang diskarte ng tao, pero hindi lang ang diyablo ang kalaban ng tao dahil sa kanyang paligid, lalo na noong unang panahon ay nagkalat ang maninilang hayop.
Ang maninilang hayop ay ang mga hayop na pumapatay at kumakain sa tao. Kahit nga ang panahon ay kadalasang kalaban din ng tao, noon pa man ay may kidlat, kulog, bagyo, baha at iba pang kalamidad.
Ang mga karamdaman o sakit ay nasa paligid ng tao, kahit kailan ay hindi rin naman ito nawawala habang ang mundo ay mundo at ang tao ay tao. Pero ang mga ito ay hindi naging hadlang sa tao para hindi siya magpatuloy na mabuhay nang maayos at masaya sa ibabaw ng mundo.
Silipin natin ngayon ang pagbalik sa kasaysayan ng tao.
Nang nasa labas na ng paraiso nabuhay ang tao, nangyari ang dapat mangyari kung saan sa kanilang mga kamay manggagaling ang kanilang kakainin. Ito ay simpleng nagsasabi na ang tao ay nagtrabaho.
Ikaw, kailangan mo na ring magtrabaho at huwag mong isipin na ang pamamasukan sa isang kumpaya ang ibig sabhin ng magtrabaho. Alam mong mali ang ganitong pananaw, kaya bilang tao, magtrabaho ka kahit hindi sa isang kumpanya.
Ang unang ginawa ng tao nang sila ay nasa labas na ng paraiso ay ang magtanim. Sa pagtatanim, alam ng unang tao na ang isang munting buto ay magiging malaking puno. Alam din nila na ang isang tangkay ng halaman ay puwedeng maging ganap na halaman na kanilang pakikinabangan.
Kaya puwede mo ring gawin ang ganu’n dahil ang ilang tangkay ng talbos ng kamote ay puwede mo nang ibenta kapag ito ay pinatubo at kung dadamihan mo ang talbos na itinanim mo, dadami rin ang pera mo na higit sa panggastos mo sa araw-araw.
Hindi katwiran na wala kang loteng pagtataniman dahil sa dami ng lugar na puwedeng lagyan ng talbos tulad ng gilid ng kalsada. Sa haba ng kalsada, mahaba rin ang iyong magiging talbusan.
Ganundin sa gilid ng mga daluyan ng tubig o irigasyon, tingnan mo, wala namang mga tanim, hawanin mo at iyong taniman. Ang mga gilid ng mga bukirin, ilog at bakanteng lote ay puwede mo ring gamitin.
Kung may pagkakataon na magpaalam sa may-ari ng bakanteng lote, magpaalam ka na at sabihin mong magtatanim ka lang ng talbos ng kamote at mas malamang na pumayag siya. Dahil magtatanim ka lang ng talbos, huwag mong lalagyan ng kahit na ano, pahingahan, kubo o kahit ano dahil palalayasin ka ng may-ari. Ibig sabihin, maging tapat ka at talbos lang ang itatanim mo, wala nang iba pa.
Dito pa lang kung gagawin mo, magugulat ka dahil hindi ka na ang simpleng tao dahil kikilalanin ka bilang supplier ng talbos.
Kikita ka ba? Siyempre, oo!
Itutuloy
Comments