ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| July 8, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Pagmasdan mo ang iyong sarili at may matutuklasan ka sa hiwaga ng paglalang sa tao.
Ang mga mata mo ay nakaharap sa harapan. Ang ilong mo ay sa harapan din nakatuon.
Kahit ang iyong mga tainga ay agad mong makukuha na sa harap din nakatutok.
Ito ay nagbibigay ng mensahe sa tao na ang gusto ni God ay ang asikasuhin mo sa buhay mo ay ang iyong hinaharap. Kaya anuman ang kalagayan mo ngayon, huwag mong gaanong pagkaabalahan ang iyong nakaraan dahil baka mabihag ka at hindi na makausad pa ang iyong buhay.
Ang iyong kasalukuyan – gaanuman kaganda o kasarap, huwag ka ring magpabihag dahil baka mabuhay ka na lang sa kasalukuyan at mapabayaan mo ang iyong kinabukasan.
Kaya makikita rin na ang lahat ng tao ay nilikha nang may pangarap kung saan ang mismong salitang pangarap ay mauunawaang sa “hinaharap.”
May naririnig tayo na taong walang pangarap sa buhay, pero ang mga ito, sa totoo lang ay may pangarap din. Sila ang lihim na katotohanan sa likod ng mga walang pangarap na sila ay mahina, weak to very weak na pagpursigihan ang gusto nilang mangyari sa kanilang buhay.
Mahina sila kaya napagkakamalang walang pangarap sa buhay. Ikaw, mahina ka ba?
May pangarap ka ba? Malakas ka, pero humihina ka rin at sa huli ay nawawalan ka ng ganang magsikap para sa iyong pangarap.
Ang simpleng ibig sabihin ng pangarap ay ang may gustong gawin sa buhay. Ibig sabihin, ang iyong hinaharap ay hindi mo gusto dahil may iba ka pang gusto sa buhay at ito ay ang iyong pinagsisikapan o pagsisikapan pa lang.
Lahat ng tao, kahit masarap ang kanilang kasalukuyan ay may mga pangarap pa rin, as in, nangangarap pa rin kahit kitang-kita ng mga tao na siya ay sagana na sa buhay at lahat ay nasa kanya na at wala na siyang dapat hangarin pa.
Pero sa tingin lang ‘yun ng mga tao dahil ang totoo, muli, ang lahat ay nakatuon sa kanyang hinaharap.
Simple lang ang susi para sa mga taong sinasabing walang pangarap sa buhay. Gawin nila ang ilan bagay na madali lang gawin tulad ng mga sumusunod:
Huwag kang titingin sa ibaba o iwasan mong madalas kang nakatingin sa ibaba.
Huwag ka ring titingin sa iyong gilid o iwasan mong lagi kang nakatingin sa iyong paligid.
Ito pinakamahalaga at ito ay ang sanayin mo ang iyong sarili na nakatingin sa harap, sa medyo malayong hinaharap at mas maganda ay ang nakatutok ang mga mata mo sa malayung-malayo.
Gawin mo, magugulat ka at mababago ang mundo mo dahil ikaw ay magiging seryoso na pagandahin ang iyong hinaharap.
May isa pang puwede mong gawin at ito ay pumunta sa tabing-dagat, bukirin o kahit saan na magagawa mong tumingin sa malayo.
Kahit ngayon ay hindi mo pa gaanong nauunawaan ang lihim na katotohanan sa payo sa iyo na tumingin ka sa malayo, gawin mo pa rin.
Dalasan mo ang paggawa nito at isabuhay mo ang patingin sa malayo dahil ang lahat ng nagtagumpay na at nagtatagumpay pa, ito ang kanilang ginagawa. Sinadya man nila o hindi, natutupad na nila ang isa sa Law of Success na muli, tumingin ka sa malayo dahil ang tao ay hindi dapat nananatiling nabubuhay sa kanyang kasalukuyan.
Itutuloy
Comentarios